3 patay sa pamamaril sa Leyte

Ranulfo Docdocan, ABS-CBN News

Posted at Apr 17 2019 12:52 PM

Pinoproseso ng Scene of the Crime Operatives ang tricycle na sinakyan ng dalawang nasawing jail guards. Patay rin ang driver ng tricycle habang ligtas naman ang limang inmates na kasama nila. Larawan mula sa Villaba Police

VILLABA, Leyte – Patay sa pamamaril ang dalawang jail guard at isang tricycle driver matapos silang tambangan dito sa bayan, Martes ng hapon.

Dead on the spot sina Leo Gonzales at Genises Piamonte, kapwa provincial jail guards, at tricycle driver na si Jay-r Escoton.

Pabalik na sana sa Palompon Sub-Provincial Jail ang dalawang jail guards kasama ang limang kasamang inmates mula sa pagdinig sa korte. 

Sakay silang lahat ng tricycle na minamaneho ni Escoton nang pagbabarilin ng dalawang lalaking magka-angkas sa motorsiklo sa Tagbubunga sa nasabing bayan.

Agad namatay ang dalawang jail guard habang dead on arrival naman sa Palompon District Hospital si Escoton.

Ligtas naman ang inmates at naibalik din sa kulungan.

Agad tumakas ang dalawang gunmen matapos ang pamamaril.

Nagsasagawa na ng imbestigasyon ang Villaba Police hinggil sa insidente.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.