Prusisyon ng mga santo sa Baliuag, dinagsa | ABS-CBN

ADVERTISEMENT

Prusisyon ng mga santo sa Baliuag, dinagsa

Prusisyon ng mga santo sa Baliuag, dinagsa

ABS-CBN News

Clipboard

Dumagsa ang mga deboto at mga nanood sa tradisyonal na prusisyon ng mga santo sa Baliuag, Bulacan ngayong Biyernes Santo, dalawang taon makalipas na hindi ginanap ito.

Ang mga kasama sa prusisyon at mga nanood ay natuwa sa muling pagbabalik ng tradisyonal na prusisyon tuwing Semana Santa.

Dalawang oras bago ang prusisyon, nagsimulang dumating ang mga karo ng iba’t-ibang imahe ng mga santo at mga kwento sa buhay ni Hesus na kasama sa tradisyonal na prosisyon sa Baliuag.

Bata, matanda, pami-pamilya at magkakaibigan ang dumalo para muling masilayan ang prusisyon na nagsimula pagpatak ng alas-sais ng gabi.

ADVERTISEMENT

Dalawang taon walang ganitong aktibidad dahil sa pandemya.

Ayon sa organizer na si Carlo Ignacio, kung dati ay isang taon ang preparasyon para sa aktibidad, ngayon ay mahigit isang buwan lang. Hinintay pa kasi ng parokya ang approval ng gobyerno.

Nilinaw ng mga organizer at ng parokya ng San Agustin Cathedral sa Baliuag na hanggang 50 tao lang kada karo ang pwedeng sumama sa parada at dapat lahat sila ay fully vaccinated.

Dati ay walang limit ang mga pwedeng sumama sa prusisyon. Ani Ignacio, dapat tiyakin ng mga may-ari ng karo ngayon na masusunod ang health protocols sa parada.

Para naman sa parish priest ng San Agustin Cathedral na si Fr. Ver Cruz, isang himala at malaking biyaya na naibalik ang tradisyonal na prusisyon.

“Ito’y emosyonal sa amin eh dahil biruin mo dalawang taon nakapadlock tayo pero sa ngayon pinayagan tayo. Nung una ang akala namin ay limang karo lang papayagan, pero eventually ... pinayagan na lahat," aniya.

Ayon pa sa parokya, 124 ang mga karo na kadalasang sumasali sa prusisyon, pero 90 lang ang nakiisa ngayong taon.

Kabilang sa hindi nagpatinag sa pandemya ang Fernando family na isang dekada nang sumasali sa prusisyon at ang kwento ng kanilang karo ay ang pagpapala ni Hesus sa mga bata. Si Jeff Rey Fernando ay nurse sa Estados Unidos pero taon-taong umano siyang umuuwi para sa prusisyon.

Bagamat kapos sa oras, tiniyak nilang tuloy pa rin ang kanilang panata dahil dalawang taong walang prosisyon. Sabi ni Jeff, mahalaga ito para sa pananampalataya nila.

“Bilang tayo ay isang Katoliko, tayo ay nagpapakita ng pagmamahal sa Diyos sa kaniyang sakripisyo sa lahat-lahat ng sakrispisyo sa pagliligtas niya sa sanlibutan," aniya.

Para sa Fernando family, ang panatang ito ay pagbabalik sa Panginoon sa mga biyayang natanggap nila at ang kwento ng kanilang karo ay sumisimbulo ng pagkakaroon ng purong pananampalataya bilang bata.

Sunod-sunod na ipinarada ang mga santo at imahe sa prusisyon, at nakita ang talino at pagiging malikhain ng mga Bulakenyo kung paano nila inilarawan ang iba’t-ibang kwento sa buhay ni Hesus. Lalong tumingkad ang ganda ng kanilang mga likha dahil sa liwanag ng karo. Umangat din ang ganda ng mga dekorasyon sa paligid nito.

Para sa mga sumali, ang debosyon at pananampalataya nila ang nais nilang maibahagi sa lahat.—Ulat ni Wheng Hidalgo, ABS-CBN News

KAUGNAY NA ULAT

Watch more News on iWantTFC

ADVERTISEMENT

ADVERTISEMENT

ABS-CBN is the leading media and entertainment company in the Philippines, offering quality content across TV, radio, digital, and film. Committed to public service and promoting Filipino values, ABS-CBN continues to inspire and connect audiences worldwide.