Pinagagamit ng Philippine General Hospital (PGH) ang sistemang "e-dalaw" o electronic dalaw sa kanilang mga pasyenteng may coronavirus disease (COVID-19) para makausap ng mga ito ang kanilang mga mahal sa buhay at kahit papaano ay maibsan ang lungkot dulot ng paglaban sa sakit.
Ayon kay Melanie de Asis, social welfare officer ng Manila-based hospital sa PGH, hindi maiwasang malungkot ang mga pasyenteng may COVID-19 dahil wala silang masyadong nakakahalubilong tao at hindi rin maaaring tumanggap ng mga bisita, kahit pa mga kamag-anak.
Bunsod nito, inilunsad ng doktor na si Homer Co, coordinator for health operations ng ospital, ang "e-dalaw" kung saan makaka-video call ng mga pasyente ang kanilang mga mahal sa buhay.
Tinatawagan muna umano ng social welfare officers ng ospital ang mga mahal sa buhay ng mga pasyente para mag-schedule ng video call.
May hanggang 40 minuto umano ang mga pasyente para makausap ang kanilang mga mahal sa buhay.
Binabalutan ng plastik ang ginagamit na laptop at dini-disinfect gamit ang alcohol pagkatapos ng video call.
Ayon kay De Asis, malaking tulong sa mga pasyente ang suporta ng pamilya para mapangalagaan din ang kanilang mental health at mapabilis ang paggaling sa sakit.
Paraan din umano ito para makita ng mga pamilya ang lagay ng kanilang pasyente at mabawasan kahit papaano ang kanilang pag-aalala.
Isa ang PGH sa mga itinalagang COVID-19 referral center ng Department of Health, kasama ang Jose M. Rodriguez Memorial Hospital sa Caloocan City at Lung Center of the Philippines sa Quezon City.
-- Ulat ni Lady Vicencio, ABS-CBN News
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
PatrolPH, Tagalog news, coronavirus disease, COVID-19, teknolohiya, e-dalaw, Philippine General Hospital, mental health, COVID-19 patients, TV Patrol, Lady Vicencio