POEA: Wala pang job order para sa mushroom pickers sa Canada | ABS-CBN

ADVERTISEMENT

News

POEA: Wala pang job order para sa mushroom pickers sa Canada

POEA: Wala pang job order para sa mushroom pickers sa Canada

ABS-CBN News

 | 

Updated Apr 13, 2018 11:44 PM PHT

Clipboard

Watch more in iWantv or TFC.tv

Pinayuhan ng Philippine Overseas Employment Administration (POEA) ang mga Canadian employer na nag-aalok ng trabaho bilang mushroom picker na makipag-ugnayan muna sa Philippine Overseas Labor Office (POLO) para magkaroon sila ng akreditasyon.

Paglilinaw ng POEA, hindi sila puwedeng mag-hire hangga't walang ka-partner na lehitimong recruitment agency sa Pilipinas.

Sa ngayon, wala pang bagong job order ulit para sa ganitong posisyon. Ibig sabihin, wala pang puwedeng pag-apply-an ang mga interesadong aplikante.

Hindi kasi pinapayagan ng POEA ang direct hiring para sa mga low-skilled workers tulad ng mga mushroom picker, na itinuturing na vulnerable workers.

"Dahil vulnerable employees ito, kailangan ng assistance ng POEA to assure na 'yung level of protection nila habang nandiyan sa job site ay assured. Ito 'yung employment provisions will be guaranteed na mako-comply, may mandatory insurance sila, 'yung mga repatriation eh may sasagot and they can only do this through an agency-hired system," ani POEA Administrator Bernard Olalia.

Paalala ni Olalia, hanggang wala ang accreditation ay walang application process na puwedeng mangyari.

Hindi rin puwedeng makalusot ang mga pumasok sa pamamagitan ng direct hiring dahil kakailanganin pa rin nilang kumuha ng Overseas Employment Certificate mula sa POEA at sa mismong kalihim ng Department of Labor and Employment.

Aminado naman ang POEA na malaki ang oportunidad na naghihintay sa mga foreign worker sa bansang Canada lalo't boom ang agrikultura at may demand sa mga farm workers gaya ng mushroom pickers.

Ayon sa POEA, may mga Pinoy talaga silang pinayagan na makapagtrabaho bilang farm worker sa Canada noong mga nakalipas na taon dahil dumaan ang mga ito sa lehitimong recruitment agency dito sa Pilipinas.

Pero paglilinaw nila, 72 lamang ang mga ito noong 2016 at 80 noong 2017, at 14 lang ang mga mushroom picker.

ADVERTISEMENT

--Ulat ni Zen Hernandez, ABS-CBN News

Editor’s note:

Una na naming naiulat na may 700 trabaho para sa mushroom pickers sa Canada. Pero gaya ng paglilinaw sa ulat na ito, sinabi ng Philippine Overseas Employment Administration na wala pang puwedeng pag-apply-an ang mga interesadong aplikante dahil wala pang bagong job order para sa mushroom pickers sa ngayon. Humihingi tayo ng paumanhin sa kalituhan.

ADVERTISEMENT

ADVERTISEMENT

ABS-CBN is the leading media and entertainment company in the Philippines, offering quality content across TV, radio, digital, and film. Committed to public service and promoting Filipino values, ABS-CBN continues to inspire and connect audiences worldwide.

© 2025 ABS-CBN Corporation. All Rights Reserved.

© 2025 ABS-CBN Corporation. All Rights Reserved.