NCR Plus isinailalim sa MECQ | ABS-CBN

Featured:
|

ADVERTISEMENT

Featured:
|
dpo-dps-seal
Welcome, Kapamilya! We use cookies to improve your browsing experience. Continuing to use this site means you agree to our use of cookies. Tell me more!

NCR Plus isinailalim sa MECQ

NCR Plus isinailalim sa MECQ

ABS-CBN News

 | 

Updated Apr 11, 2021 08:17 PM PHT

Clipboard

Watch more in iWantv or TFC.tv

(UPDATE) Inilagay sa mas maluwag na modified enhanced community quarantine (MECQ) ang Metro Manila at 4 karatig-lalawigan hanggang katapusan ng Abril sa kabila ng patuloy na pagdami ng mga kaso ng COVID-19.

Tatagal mula Abril 12 hanggang 30 ang MECQ sa Metro Manila, Bulacan, Cavite, Laguna at Rizal, sabi ngayong Linggo ni Presidential Spokesperson Harry Roque.

Isasailalim din sa MECQ, ang ikalawang pinakamataas sa 4 na lockdown level ng gobyerno, ang Santiago City sa Isabela at mga probinsiya ng Quirino at Abra.

Sa Lunes naman daw ipapaliwanag ang pagkakaiba ng enhanced community quarantine sa MECQ.

ADVERTISEMENT

Ayon kay Metropolitan Manila Development Authority Chairman Benhur Abalos, nagpasya ang mga mayor ng Metro Manila na magpatupad ng unified curfew simula alas-8 ng gabi hanggang alas-5 ng madaling araw, simula Lunes.

Bago ang anunsiyo, sinabi ng Philippine Academy of Family Physicians na hindi pa napapanahon para luwagan ang quarantine restrictions.

Patuloy pa rin daw kasing tumataas ang mga kaso ng COVID-19, kung saan mismong health care worker na ang nagkakasakit.

"Obvious sa mga numero na nasa kasagsagan pa rin tayo ng surge. Hindi pa bumababa ang mga numero. Gaya sa mga ospital natin, dahil sa dami ng kaso, kulang pa rin ang mga ospital. Mga pasyente natin, nahihirapan pa rin makakita ng ospital na tatanggap sa kanila," sabi ni Philippine Academy of Family Physicians President Dr. Aileen Espina.

"This is beyond the capacity of the healthcare system to respond to the current situation," ani Espina.

ADVERTISEMENT

Sang-ayon dito si ABS-CBN Data Analytics head Edson Guido.

Dapat umanong mapababa muna ang mga kaso ng COVID-19 at ma-decongest ang mga ospital.

"Base sa health aspect, kailangan talaga ng extension kasi lagpas 10,000 pa rin ang mga kaso. Positivity rate, above 20 percent pa rin. So, isa sa bawat 5 nate-test [ang] nagpopositibo. Mataas pa rin 'yon," paliwanag ni Guido.

"Hospitals natin (are) reporting full capacity up to now. So parang di pa practical na at this point, magluwag tayo, given all these conditions," aniya.

Dapat ding magkaroon ng long-term solution para makausad ang bansa sa problema sa COVID-19 dahil short-term intervention lang ang lockdown, ayon sa mga health care worker.

ADVERTISEMENT

Tuloy-tuloy naman ang pamamahagi ng ayuda sa mga apektado ng mahigpit na lockdown sa NCR Plus.

Ngayong Linggo, nakapagtala ang Department of Health (DOH) ng dagdag na 11,681 na kaso ng COVID-19, dahilan para umakyat sa 864,868 ang kabuuang bilang ng mga kumpirmadong kaso sa Pilipinas.

Sa bilang na iyon, 146,519 ang active cases o nananatiling may sakit.

Nadagdagan din ngayong Linggo nang 55,204 ang bilang ng mga gumaling. Ito ang pinakamataas na bilang ng mga naitalang gumaling sa isang araw, para sa kabuuang 703,404 recoveries.

Pero 201 naman ang naiulat na namatay sa sakit kaya tumaas sa 14,945 ang total deaths, base sa tala ng DOH.

-- Ulat ni Bianca Dava, ABS-CBN News

ADVERTISEMENT

ADVERTISEMENT

It looks like you’re using an ad blocker

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.