2 bahay nasunog sa Davao

Berchan Louie A. Angchay, ABS-CBN News

Posted at Apr 11 2018 01:14 PM

DAVAO CITY - Mabilis nilamon ng apoy ang 2 bahay sa siyudad na ito, Martes ng gabi.

Buti na lamang at bago lumaki ang apoy, nagising at nakalabas agad ng bahay si Angel Maraat, na nag-iisa lamang noon sa kanilang tahanan.

Wala rin sa bahay dahil may pasok sa eskuwela ang kanyang 2 kapatid, habang nasa simbahan naman ang kanyang mga magulang. 

Ayon kay Maraat, napansin niya ang usok mula sa kusina ng bahay nang siya ay magising. Agad siyang lumabas at humingi ng tulong sa mga kapitbahay.

Pero mabilis kumalat ang apoy at bahagyang nasunog pa ang tahanan ng isa nilang kapitbahay, ang pamilya Valles. Wala namang nasaktan sa mga ito. 

Suspetsa ni Special Fire Investigator One Ulysess Cervantes ng Lanang Fire Station posibleng nagmula ang sunog mula sa gamit sa bahay na naiwang nakasaksak.

"Kung naa ta sa atong balay o natulog man ta dili nato kalimtan nga ibuton atong mga appliances nga nakasaksak," paalala niya.

(Tiyaking nakatanggal sa saksak ang mga appliances bago umalis ng bahay o bago matulog.)

Tinatayang aabot sa P1 milyon ang halaga ng mga nasunog na ari-arian, kabilang ang mga importanteng dokumento ng pamilya Maraat, gayundin ang kanilang mga instrumentong pantugtog. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.