“Furst Date” event sa Philippine Animal Welfare Society facility sa Quezon City, Pebrero 14, 2023. Jonathan Cellona, ABS-CBN News
MAYNILA — Hindi lamang tao kung hindi maging ang mga alagang hayop ay maaaring magkaroon ng sakit dahil sa init ng panahon, ayon sa Philippine Animal Welfare Society (PAWS).
Apektado rin umano ang mga alagang hayop lalo na’t mas mainit ang nararamdaman ng mga ito, ani executive director Anna Cabrera.
"'Pag mainit for you, mas mainit sa aso," ani Cabrera sa panayam ng TeleRadyo.
Ito ang ilang tips kung paano protektahan sa init o iwasan ang heat stroke ng mga alagang hayop:
Pakiramdaman muna ang init ng panahon sa pamamagitan ng pagkapa sa sahig o semento bago ilabas ang alagang hayop. Ito ay upang maiwasan na mapaso ang footpads nito.
Ang mga brachycephalic dogs o mga asong pango at walang nguso tulad ng pugs at ibang lahi ng shih tzu ay mas hirap huminga kaya mainam na huwag masyado ilakad.
Usisain nang maigi ang pangangailangan ng mga asong galing sa ibang bansa tulad ng Alaskan Malamute at Huskey na nangangailangan ng aircon at mas malamig na paligid.
Importante rin na may nakahandang malinis na inuming tubig ang mga aso kung sakaling mauhaw ang mga ito.
Mas delikado sa heat stroke ang mga alagang hayop kung ito ay out-of-shape o hindi fit ang pangangatawan.
Mainam na nasa isang lugar ang mga ito kung saan ang temperatura ay hindi sobrang init at mayroong fan o bintilador.
Abiso rin ni Cabrera, maging alerto sa mga sintomas ng heat stroke tulad ng matinding hingal at panghihina.
Kung sakaling nahimatay ang alaga, lagyan ng ice pack ang ilalim na parte ng katawan nito o kaya’y dalhin na agad sa veterinary clinic upang mabigyan ng drip fluid.
Dagdag ni Cabrera, delikado rin daw ang heat stroke para sa mga alagang hayop dahil maaari itong ikamatay kapag hindi naagapan agad.
“Ito ay napaka-dangerous kasi even under one hour, puwedeng mamatay 'yung aso," aniya.
— Hannahlyn Tomaquin
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.