PANOORIN: Paghingi ng ayuda sa EDSA nauwi sa pag-aresto | ABS-CBN

ADVERTISEMENT

dpo-dps-seal
Welcome, Kapamilya! We use cookies to improve your browsing experience. Continuing to use this site means you agree to our use of cookies. Tell me more!

PANOORIN: Paghingi ng ayuda sa EDSA nauwi sa pag-aresto

PANOORIN: Paghingi ng ayuda sa EDSA nauwi sa pag-aresto

ABS-CBN News

 | 

Updated Apr 02, 2020 11:57 AM PHT

Clipboard

MAYNILA (UPDATE) - Nauwi sa tensiyon ang panawagan sa gobyerno ng ilang residente ng Sitio San Roque, Barangay Pag-asa sa Quezon City Miyerkoles na bigyan sila ng pagkain sa gitna ng ipinatupad na enhanced community quarantine.

Kuha sa video ang ilang residente na tumatakbo habang sinusubukan silang arestuhin ng pulisya. Nagkabatuhan din umano ng bote habang nangyayari ang pag-aresto.

Karamihan sa mga pumunta umano ay naninirahan sa mga barong-barong at hindi nahahatiran ng tulong ng lokal na pamahalaan ng lungsod.

Sinubukan muna ng mga taga-Quezon City Police District na kausapin ang mga ito pero nauwi ito sa tulakan.

ADVERTISEMENT

Watch more in iWantv or TFC.tv

Isa sa 20 residenteng inaresto ay si Elebert Galgatin, na nawalan umano ng trabaho nang ipatupad ang lockdown. Ayon sa kaniyang asawa, nakikipag-usap lang ang kaniyang mister sa pulis para matugunan ang kanilang hinaing bago mangyari ang tensiyon.

"Sinasaktan na nga po kami. Pati itong anak ko natumba. Nakiusap po kami sir kasi itong asawa ko humihingi lang po ng pagkain. Eh may sakit anak ko so wala po kaming kapera-pera."

"Wala po ilang araw po sir eh. Dito nagtatrabaho hindi binigay 'yung sahod nila kaya nangangalakal," ayon sa babae, na kasama ang kaniyang anak nang makipagnegosasyon sa pulisya.

"Dumaan lang po kami kasi may nagsabi na may magbibigay. Pero wala po. Sabi po ng mga barangay eh wala naman po dumarating ilang araw po. Tapos nagpunta asawa ko sa trabaho wala po," dagdag pa niya.

'PAKAWALAN SILA'

Sa ilalim ng enhanced community quarantine, tigil-operasyon muna ang ilang trabaho at sinabihan ang lahat na manatili sa kanilang bahay para mapigilan ang pagkalat ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).

Una na ring sinabi ng gobyerno na maglalaan sila ng budget para sa mahihirap na pamilyang apektado ng sapilitang quarantine.

Ayon naman kay Rannie Ludovica, action officer ng QC Task Force - Disiplina, kakausapin nila ang Philippine National Police para pakawalan ang mga residente.

Tiniyak din nila ang ayuda para sa mga residente. Paratang ni Ludovica, ang grupong Kadamay ang nasa likod ng paglabas ng mga residente.

"Siguro, definitely, papakawalan naman ni Mayor (Joy Belmonte) po iyan. Kung iyan ay tagarito, papakawalan ni Mayor po iyan. Kaya 'yong mga tagarito nagagamit ng ilang organisasyon na noon pa man ay walang ginawa kundi mag-organize. Mananamantala sa kahirapan ng mga tagarito," ani Ludovica.

Buwelta naman ni Kadamay chairperson Bea Arellano, hindi nila binuyo ang mga residente na lumabas sa kalsada.

Kinondena niya rin ang pag-aresto na aniya'y gumamit pa ng kamay na bakal sa halip na pakinggan ang mga daing ng mga nagugutom na residente.

Sa pahayag naman ng Quezon City, pinabulaanan nilang wala pang napapamahaging food packs sa lugar. Patuloy din anila ang pagbibigay ng food packs sa buong lungsod - mula sa lokal na pamahalaan at barangay para sa mga apektadong pamilya.

Sa kanila umanong pag-intervew sa mga nagprotesta, may nagpakilala umanong TV crew na nagsabi sa kanilang pumunta roon dahil may mamimigay na food packs mula sa Department of Social Welfare and Development.

"There is continuous distribution of food packs throughout the city, both from the local government and the barangays to ensure that affected families are looked after during this crisis period.
Nevertheless, the mayor has instructed city personnel to review the list to make sure nobody has been inadvertently left out," ayon sa pahayag.

May nambuyo rin umano sa grupo na mag-rally para igiit na walang binibigay na food packs ang lokal na pamahalaan.

"It was revealed that they were allegedly informed by an individual purportedly from a TV crew that food packs would be distributed to them this morning and that the DSWD would allegedly be distributing cash. After reaching the area, the residents discovered that there was no food or cash distribution," anila.

"Instead, they were allegedly instigated by yet to be determined personalities to hold a rally and claim that the local government has not distributed any food packs in their area," dagdag nila.

Pero nang tanungin, inamin ng ilang residente na tumanggap sila ng food packs, ayon sa lokal na pamahalaan.

-- Ulat ni Zhander Cayabyab, ABS-CBN News

ADVERTISEMENT

ADVERTISEMENT

It looks like you’re using an ad blocker

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.