PWD na ka-boses ni Gus Abelgas: 'Espesyal lang tayong ginawa ng Panginoon'

ABS-CBN News

Posted at Mar 28 2018 06:26 PM | Updated as of Jan 01 2019 08:17 PM

Watch more in iWant or iWantTFC

MANILA - Hindi alintana ni Jun Tual ang kaniyang kapansanan at patuloy na namumuhay na normal.

"Marami na po akong naranasan na sakit pero bumabangon pa rin po ako basta nandiyan si God sa ating puso," sabi Tual.

Aminado si Tual, na may physical at visual disability, na ‘di niya noon naunawaan ang kaniyang kondisyon ngunit unti-unti niya itong nilampasan.

"Hindi natin kasalanan na inilabas tayo sa mundo, may layunin talaga si God para sa atin," pahayag ni Tual.

Laking pasasalamat niya sa kaniyang mga magulang sa pagpapalaki sa kaniya sa kabila ng kaniyang kapansanan.

"Salamat sa pagpapalaki sa akin, sa pag-aaruga ninyo na hindi niyo ako naibenta noong araw," dagdag niya. 

Kuwento niya, nais umano ng doktor na ibenta siya sa kanila upang gawing experiment.

"Pero hindi po pumayag mga magulang ko," ani Tual.

Panganay sa dalawang magkakapatid si Tual. Hindi rin siya nakatapos ng elementarya dahil na rin sa pambu-bully sa kaniya.

"Nakapag-aral, pero 'di nakatapos ng elementary kasi noong araw po dahil sa mga kabataang nanunukso," sabi ni Tual.

Pananakit na pisikal at masasakit na salita ang naranasang pambu-bully ni Tual sa mga kabataan noon.

"Sabi ng mga magulang ko, hangga't kaya mong iwasan, iwasan mo," sabi niya.

Nagsubok pa rin siyang paghusayin ang sarili sa pamamagitan ng pag-aaral ng drafting at commercial art. Pagkatapos ng anim na buwan ay natapos niya ito.

Nang mawalan na siya ng paningin, dito na niya sinubok pasuking pag-aralan ang pagmamasahe at isinasabay niya ito sa iba pa niyang hilig gawin tulad ng pagtugtog ng drums, pag-awit at paggawa ng kanta.

"Bukod doon, nalaman ko sa sarili ko na may iba pala akong talent... impersonator," sabi niya.

At isa sa kinagigiliwan niyang gayahin ay ang kaniyang idolo na si Gus Abelgas.

Watch more in iWant or iWantTFC

Bagama’t abala siya sa kaniyang buhay, nabibigyan pa rin niya ng panahon ang mga kabataang tumitingala sa kaniya bilang kuya. Bukod sa payo, nakakapag-abot rin siya ng kaunting tulong-pinansiyal sa mga kabataang lumalapit sa kaniya.

Sa lahat ng mapait na sinapit niya, patuloy niyang sinusuong ang bawat hamon na sumasalubong sa kaniya ng buong tapang at determinasyon at pagtitiwala sa Diyos.

"'Wag nating ikahiya kung anong mayroon tayo. Espesyal lang tayong ginawa ng Panginoon," sambit niya.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.