PatrolPH

Panukalang nagbabawal sa 'no permit, no exam' policy, aprubado sa Senado

Jeffrey Hernaez, ABS-CBN News

Posted at Mar 20 2023 09:54 PM

PASAY CITY — Inaprubahan na sa ikatlong pagbasa ng Senado ang mga panukalang batas na magbabawal sa mga paaralan na hindi pakuhain ng pagsusulit ang mga estudyanteng hindi pa nakababayad ng tuition at pagbibigay ng moratorium sa pagbabayad ng student loan sa panahon ng mga kalamidad.

Sinuportahan ng lahat ng senador ang Senate Bill No. 1359 o “'No Permit, No Exam' Prohibition Act” at Senate Bill No. 1864 o “Student Loan Payment Moratorium During Disasters and Emergencies Act.”

Nagpasalamat sa mga kasamahang senador si Sen. Francis Escudero na siyang may akda ng dalawang panukala.

“Malaking tulong ito para sa ating mga mag-aaral, lalo na para sa pamilya ng ating mga estudyante na mga nagdarahop subalit nagsisikap na makatapos ng kanilang pag-aaral,” aniya.

“With the approval, the bills are now a step closer to their enactment into laws for the President’s signature,” dagdag ni Escudero na siya ring chairman ng Senate Committee on Higher, Technical and Vocational Education.

Ayon kay Escudero, layon ng “No Permit, No Exam' Prohibition Act” na pigilan ang anumang polisiya na nagbabawal sa mga estudyante sa pagkuha ng exam dahil sa hindi bayad na tuition at iba pang mga bayarin sa mga pribado at pambulikong paaralan.

Ipinagbabawal din sa panukala na hingan ng paunang bayad ang mga estudyante at kanilang mga magulang. 

Hinihimok ang mga paaralang magpatupad ng ibang paraan tulad ng hindi agad na pagbibigay ng mga diploma o mga certificate o hindi pag-apruba ng admission o enrollment para sa susunod na school year o semester.

Samantala, bibigyan naman ng panahon ang mga estudyante na mabayaran ang kanilang mga obligasyon sa paaralan kung nagdeklara ng state of calamity sa kanilang mga lugar.

Ipatutupad ang moratorium habang nasa ilalim ng state of calamity at 30 araw matapos na ipawalang bisa ito.

Wala rin multa o interes na dapat kolektahin para sa mga deferred o ipinagpaliban na mga pagbabayad.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.