Umaapela ang mga mangingisda sa Oriental Mindoro na payagan silang makapalaot, ngayong sinsapul ng oil spill na dulot ng pagtagas mula sa MT Princess Empress ang kanilang kabuhayan.
Ayon sa mga mangingisda na sina Celso Rebete at Rizalino Pabola, malaking dagok sa kanilang hanapbuhay ang oil spill.
"Mahirap sa aming mangingisda ang walang hanapbuhay dahil dagat napagkitaan namin. Kung pwede nga sana ay makalabas na kami sa dagat, malaki din gastos namin sa pamilya," ani Rebete.
"Mas malaki ang nawala sa amin dahil kami ay magdadagat yun lang inaashaan namin, wala pang pang ulan nagpapasalamat na rin at nakatanggap ng biyaya," ani Pabola.
Sa ngayon, nagsisiksikan ang mga nais na mga makakakuha ng relief goods sa Pola, Oriental Mindoro.
Ito na ang ika-2 wave ng pamamahagi ng ayuda mula sa Department of Social Welfare and Development para sa nasa higit 20,000 pamilya na apektado ng oil spill mula sa 9 bayan.
Pinag-aaralan na rin ng Oriental Mindoro local government ang muling pangingisda.
Pero hinihintay na lamang nila ang resulta ng pagsusuri ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources sa toxicity level ng isda.
"Ang goal natin yung mga areas na ppwde nang payagan sana, ibig sabihin yung safe na ang mangisda lalo na yung malayo na yung oil sa shoreline baka dahandahan natin i-openfor fishing," ani Oriental Mindoro Gov. Bonz Dolor.
-- Ulat ni Dennis Datu, ABS-CBN News
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.