PatrolPH

Mga tsuper ng jeep todo-diskarte para mapanatili ang 'social distancing'

ABS-CBN News

Posted at Mar 16 2020 04:28 PM

MAYNILA — Kaniya-kaniyang diskarte ngayon ang ilang mga tsuper ng pampasaherong jeep para makasunod sa direktibang social distancing kontra pagkalat ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).

Sa San Andres, Maynila, nagkusa na ang mga driver sa paglalagay ng mga harang sa mga upuan gamit ang mga kahon ng juice o mga karton.

Ayon kay Frederico Tiozen, isang tsuper, hinimok niya ang mga kasamahang driver na maglagay ng divider o harang sa upuan para sa one seat apart protocol ng Transportation department. 

Dahil dito, ang punuang 20 pasahero, 12 na lamang ang maisasakay. 

Aminado ang mga tsuper na malulugi sila dahil mas kakaunti na ang pasahero. 

Gayunman, mas mabuti na ito kaysa masita ng mga traffic enforcer dahil sa paglabag sa social distancing.

Sa huling tala, 140 na ang bilang ng COVID-19 cases sa Pilipinas, ang 12 na dito ang namatay.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.