Jeep na nawalan ng preno sumalpok sa puno; 5 sugatan

Arra Perez, ABS-CBN News

Posted at Mar 10 2018 09:41 AM

MANILA - Sugatan ang isang jeepney driver at apat sa mga pasahero nito matapos sumalpok ang minamanehong sasakyan sa isang puno sa North Avenue, Quezon City, Sabado ng umaga.

Ayon sa driver ng jeep na si Dorven Aragon, napuno na ng pasahero ang kaniyang jeep sa Litex at habang nasa Agham Road papuntang North Avenue ay naramdaman niyang wala na siyang preno.

Dito na siya agad na naghanap ng poste na puwedeng pagbanggaan ng jeep, imbes na maararo nito ang mga sasakyang nasa harapan.

Giit ni Aragon, na-check niya ang sasakyan bago pumasada pero inaming may katandaan na rin ito at higit 10 taon nang ginagamit. 

Kuwento naman ng traffic enforcer na si Carlos Poliga, mabilis ang takbo ng jeepney.

Agad na dinala sa East Avenue Medical Center ang mga biktima kabilang na sina Marcelo Simbahon at Jigger Macalanta na nagtamo ng sugat sa braso at binti.

Masakit na likod at baywang naman ang iniinda ng dalawang babaeng pasahero.

Iniimbestigahan na ng Quezon City Traffic Sector ang aksidente. 

Paalala naman ni Poliga sa mga tsuper ng jeep at iba pang motorista na mag hinay-hinay sa pagmamaneho at huwag kalimutang i-check ang sasakyan bago bumiyahe.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.