PatrolPH

Tubig-dagat sa Oriental Mindoro na apektado ng oil spill, bagsak sa water standard quality

Dennis Datu, ABS-CBN News

Posted at Mar 07 2023 02:47 PM | Updated as of Mar 07 2023 07:59 PM

Pola Oriental Mindoro Official Page/File
Dalampasigan ng Barangay Tagumpay sa Pola, Oriental Mindoro na apektado ng oil spill noong Marso 2, 2023. Russel Tan, Pola Oriental Mindoro Official Page/File

Inanunsiyo ngayong Martes ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) na bagsak sa water standard quality ang tubig-dagat sa Oriental Mindoro na apektado ng oil spill kaya ipinagbabawal na ang pagligo rito ng mga residente.

Ayon kay Lormelyn Claudio, regional director ng DENR sa Mimaropa, mataas sa allowable limit ang percentage ng langis na nakita sa dagat na apektado ng oil spill, base sa 5 araw na pagsusuri sa mga nakuhang water sample.

Dahil dito, mapanganib aniya sa kalusugan kung mae-expose sa kontaminadong tubig-dagat.

Posibleng magkaroon ng asthma at sakit sa balat ang mga taong malalantad sa kontaminadong tubig, ayon kay Mario Baquilod, regional director ng Department of Health-Mimaropa.

Pero ang pangmatagalang epekto aniya nito ay maaaring maging sanhi ng cancer ang exposure sa kontaminadong tubig.

Dahil dito, iginiit ni Baquilod ang halaga ng pagsasagawa ng clean-up sa tubig-dagat at ipinagbawal ang pagligo sa kontaminadong katubigan.

Sinusuri na rin umano ang ground water na pinagkukuhanan ng inuming tubig at air quality sa lugar, at sisilipin din kung kontaminado ang isda.

Watch more News on iWantTFC

Samantala, ngayong natuklasan na ang posibleng kinaroroonan ng lumubog na MT Princess Empress na sanhi ng oil spill, nanawagan si Oriental Mindoro Governor Humerlito Dolor sa mga awtoridad na pabilisin ang pag-isyu ng permit sa barkong may dala ng remotely operated vehicle (ROV), na manggagaling pang China.

Gagamitin ang ROV para marating ang kinaroroonan ng barko na nasa 400 metro ang lalim.

Ayon naman kay Dr. Cielo Ante ng Oriental Mindoro Provincial Health Office, umabot na sa 18 ang naitalang oil spill-related illnesses sa lalawigan.

Nagrarasyon na ng tubig ang provincial government matapos ipagbawal ang pagkuha ng inuming tubig mula sa mga poso at balon.

RELATED VIDEO

Watch more News on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.