PatrolPH

'Kotong' cop sinabunutan, dinuro, minura ni NCRPO chief Eleazar

ABS-CBN News

Posted at Mar 06 2019 05:05 AM | Updated as of Mar 07 2019 06:15 AM

Watch more on iWantTFC

MAYNILA - Sinabunutan, dinibdiban, dinuro, at minura.

Iyan ang inabot ng isang pulis mula kay National Capital Region Police Office (NCRPO) director Guillermo Eleazar matapos itong mahuli sa entrapment operation dahil sa reklamong pangingikil.

Inaresto ng mga tauhan ng Regional Special Operation Unit ng NCRPO si Police Cpl. Marlo Quibete matapos umano nitong tanggapin ang P20,000 marked money sa tapat ng isang fast-food restaurant sa Barangay Santolan, Pasig City.

Nakatalaga si Quibete sa District Drug Enforcement Unit (DDEU) ng Eastern Police District (EPD).

Watch more on iWantTFC

Fred Cipres, ABS-CBN News

Nanghingi umano ng pera si Quibete kapalit sa kalayaan ni Aries Ochoada na nahuli sa buy-bust operation sa Marikina City.

Nagsumbong ang kinakasama ni Ochoada na si Eva Cabansag dahil sa dami ng hiningi ni Quibete, kabilang ang isang gintong kuwintas at motorsiklo.

"Hiningan kami ng P200,000. Sabi ko, 'di ko kaya. Sabi P100,000 na lang, hindi pa rin kaya. Kung ano na lang meron kami. May pinapirmahan pang deed of sale nung motor naming na kunwari binenta ko sa kanila," ani Cabansag.

Base sa imbestigasyon ng NCRPO, kasabwat umano ang mga tauhan ng EPD-DDEU, maging ang hepe nito.

Nakita sa cellphone ni Quibete ang mga text sa pagitan ng kaniyang hepe at ibang kasamahan tungkol sa umano'y transaksiyon.

Watch more on iWantTFC

 
Ipinag-utos ni Eleazar na tanggalin sa puwesto ang lahat ng pulis sa nasabing unit na posibleng mahaharap sa kasong robbery at extortion. 

"Pinatawag ko iyung iba kagabi, tinatawagan ng kanilang district director, pero hindi na po lumutang. Natakot na siguro dahil sa sitwasyon at namonitor nila na naaresto na itong kasamahan nila," ani Eleazar sa panayam ng DZMM. 
 

- Ulat nina Ernie Manio at Fred Cipres, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.