Bise alkalde ng Maynila, unang naturukan sa pag-arangkada ng COVID-19 vaccine drive

Jekki Pascual, ABS-CBN News

Posted at Mar 02 2021 10:00 AM | Updated as of Mar 02 2021 10:02 AM

MAYNILA - Nagsimula na ang vaccination program ng lokal na pamahalaan ng Maynila, kung saan ang bise alkalde nito ang unang naturukan ng vaccine kontra COVID-19.

Alas-6 ng umaga nag-umpisa ang pagbabakuna sa Sta. Ana Hospital at si Manila Vice Mayor Honey Lacuna na isa rin doktor ang naunang nabakunahan.

Masaya ang bise alkalde na nabakunahan na siya at hinihikayat niya ang publiko na sana ay magpabakuna na rin.

Wala naman aniya siyang naramadaman na sakit o anumang side effects sa ngayon pagkatapos mabakunahan.

Bukod kay Lacuna, kasama rin nabakunahan ang iba pang opisyal ng lungsod na pawang mga doktor rin kaya kasama sila sa prayoridad ng lungsod.

Mayroong 3,000 doses ng bakuna ang ospital ng Sta. Ana na nakalaan sa 1,500 healthcare workers ng lungsod ng Maynila.

Inaasahan naman na 200 healthcare workers ang magpapabakuna ngayong Martes. 

Pero bago mabakunahan, kailangan munang dumaan sa proseso ang pasyente tulad ng pagkuha sa kaniyang vital signs, screening at counselling.

- TeleRadyo 2 Marso 2021 

Watch more on iWantTFC