600,000 doses ng Sinovac vaccine dumating na sa Pilipinas

ABS-CBN News

Posted at Feb 28 2021 06:15 PM | Updated as of Mar 01 2021 12:51 AM

Watch more in iWantTFC

Dumating ngayong Linggo ang kauna-unahang batch ng mga bakuna sa COVID-19 sa Pilipinas na CoronaVac mula sa Chinese company na Sinovac.

Bandang alas-4:10 ng hapon lumapag sa Villamor Air Base sa Pasay ang Chinese military cargo plane, lulan ang 600,000 doses ng COVID-19 vaccine mula Sinovac.

Mismong si Pangulong Rodrigo Duterte ang nanguna sa welcome ceremony para sa mga bakuna, kasama ang ilang opisyal ng gobyerno.

Sa pagdating ni Duterte sa airbase, agad siyang sinalubong ni Chinese Ambassador to the Philippines Huang Xilian.

Personal na inispeksiyon ni Duterte, kasama ang iba pang opisyal tulad nina Health Secretary Francisco Duque III at vaccine czar Carlito Galvez, ang crates ng mga donasyong bakuna.

Pagkatapos nito ay sinimulan nang ibaba ang crates mula sa cargo plane.

Pagkalapag ng mga crate ay na-sanitize ang mga ito bago i-load sa nakaabang na refrigerated container van.

Dadalhin ang mga bakuna sa Department of Health storage facility sa Marikina.

Sa kaniyang talumpati, pinasalamatan ni Duterte ang China sa donasyong bakuna.

Nagpaalala rin si Duterte sa publiko na patuloy na sumunod sa minimum health protocol.

Watch more in iWantTFC

Ilalagak ang mga bakuna sa cold storage facility sa Marikina City.

Inaasahang magiging abala ngayong gabi ng Linggo ang pasilidad sa pag-proseso ng mga bakuna para ma-deploy sa COVID-19 priority hospitals, na magsasagawa ng vaccination rollout sa Lunes.

Ininspeksiyon nitong Linggo ni Marikina Mayor Marcelino Teodoro ang pasilidad, na kayang maglagak ng halos 40 miylong vial ng bakunang may temperature requirement na 2 hanggang 8 degrees Celsius.

Nasa 100,000 dose ng Sinovac vaccine ang ibibigay sa militar habang ang nalalabi ay mapupunta sa health care workers, na prayoridad sa COVID-19 vaccination program.

Inihayag noong Biyernes ng National Immunization Technical Advisory Group na inirerekomenda nito ang CoronaVac sa health workers kahit pa 50.4 porsiyento lang ang efficacy rate nito sa clinical trials sa medical frontliners sa Brazil.

Sa Lunes din inaasahang dadating ang 525,600 doses ng AstraZeneca vaccines galing sa COVAX Facility ng World Health Organization.

Sa pasilidad sa Marikina rin dadalhin ang AstraZeneca vaccine pagdating sa Lunes, ayon kay Teodoro.

Ngayong Linggo, umabot na sa 576,352 ang kabuuang bilang ng COVID-19 cases sa Pilipinas, kung saan 12,318 ang binawian ng buhay.

Halos 30,000 naman ang kasalukuyang active cases o hindi pa gumagaling sa sakit, base sa tala ng Department of Health.

-- Ulat nina Pia Gutierrez at Vivienne Gulla, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.