Magkapatid, arestado sa pag-iingat ng droga at armas sa Calamba

Mariz Laksamana, ABS-CBN News

Posted at Feb 27 2018 09:04 PM

CALAMBA CITY - Arestado ang magkapatid na lalaki matapos makuhanan umano ng ilegal na droga at hindi lisensiyadong armas sa paghahain ng search warrant Martes ng umaga.

Magkahiwalay na hinalughog ng pulisya ang bahay ng magkapatid na parehong residente ng Purok Uno, Barangay Makiling sa Calamba City.

Ayon sa pulisya, nakatanggap sila ng report na umano'y sangkot sa pagtutulak ng droga at pagtatago ng armas ang suspek.

" 'Yung mga cluster leader natin sa Barangay Makiling ay nagbigay ng impormasyon na allegedly may 2 personality sa lugar nila na may hawak na hindi lisensyadong baril at allegedly gumagamit din po ito at nagtutulak," ani Police Chief Inspector Melissa Malayo ng Calamba City Police.

Nakuha sa bahay ng isa sa magkapatid ang iba't ibang drug paraphernalia at 2 sachet ng hinihinalang shabu, habang 1 kalibre-.45 na baril, mga bala at mga magasin, at 5 sachet ng hinihinalang shabu naman ang nakuha sa isa pang suspek.

Dagdag ni Malayo, bukas ang kanilang tanggapan para sa anumang impormasyon hinggil sa mga sangkot sa ilegal na droga at armas.

Tumangging magbigay ng pahayag ang magkapatid.

Nakatakda silang sampahan ng kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 at Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.