PatrolPH

Gobyerno bantay-sarado laban sa pagpasok ng AH5N8 bird flu virus sa bansa

Joyce Balancio, ABS-CBN News

Posted at Feb 22 2021 07:59 PM

MAYNILA — Tiniyak ng Department of Health na bantay sarado nila, kasama ang Bureau of Quarantine at Department of Agriculture, ang mga border ng bansa para hindi makapasok sa Pilipinas ang AH5N8 bird flu virus.

Naiulat nitong huling linggo na nagkaroon sa Russia ng transmission ng naturang bird flu virus sa tao.

Ibinahagi ni Health Secretary Francisco Duque III kung ano ang sintomas ng bird flu at kung ano ang dapat gawin sakaling kakitaan nito.

“Ano ba ang epekto nito sa tao? Ganun din, bird flu - ang fever, ang pag-uubo, sore throat, pananakit ng lalamunan, pananakit ng kalamnan, at sa ibang kaso, mayroong nausea, abdominal pain, diarrhea, may vomiting," aniya.

"Kung mayroon namang nararanasan sa mga sintomas na ito, magandang magkonsulta sa inyo pong mga doktor, lalo na kung mayroon kayong history ng recent travel to a part of the world na kung saan nagkaroon ng ulat ng bird flu,” dagdag ni Duque.

Nasa pitong manggagawa sa isang poultry plant sa timog Russia ang nahawa ng naturang strain. Nasa stable na condition na sila, ayon kay Anna Popova, head ng consumer health watchdog Rospotrebnadzor.

RELATED VIDEO

Watch more on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.