PatrolPH

Aparri vice mayor kasama sa 6 patay sa pananambang sa Nueva Vizcaya

ABS-CBN News

Posted at Feb 19 2023 02:48 PM | Updated as of Mar 14 2023 08:45 AM

Contributed photo
Contributed photo

(2nd UPDATE) Patay ang vice mayor ng Aparri, Cagayan at 5 iba pa matapos tambangan ang sinasakyan nilang van sa Bagabag, Nueva Vizcaya nitong umaga ng Linggo, ayon sa pulisya.

Kinumpirma ni Maj. Jolly Villar, information officer ng Nueva Vizcaya police, na kabilang si Aparri Vice Mayor Rommel Alameda sa mga nasawi sa ambush bandang alas-8:45 ng umaga.

"Unang nakita ‘yung ID niya. Pinadala namin ‘yun saka picture ng cadaver sa PNP Aparri para ma-confirm… Bale isa siya sa mga na-confirm ng doctor na dead on the spot. Nakasakay siya sa likod ng driver," ani Villar.

Ayon sa imbestigasyon, binabaybay ng van ang highway sa Barangay Baretbet nang huminto matapos harangin ng mga salarin ang kalsada gamit ang barikada ng isang eskwelahan.

"Ayon sa mga witness, nag-pretend sila na police officers, ginamit nila ang barikada ng school, parang nag-checkpoint sila. Pagdating ng sasakyan ni Vice [Mayor Alameda], ‘yun na, ambush," ani Villar.

Bukod kay Alameda, nasawi rin ang driver ng van at apat pang sakay.

Samantala, inilabas na ng Nueva Vizcaya Police Provincial Office ang mga larawan mula sa CCTV footage ng sinasabing sinakyan ng mga armadong lalaki na nanambang sa sasakyan ng vice mayor ng Aparri, Cagayan. 

Ayon kay Villar, tugma ang sasakyan sa isinalarawan ng mga nakakita sa pananambang at sa mga larawan ay patakas na ang sasakyan sa bahagi ng Bagabag, Nueva Vizcaya.

Larawan mula sa Nueva Vizcaya Police Provincial Office
Larawan mula sa Nueva Vizcaya Police Provincial Office

Patuloy umanong tinutugis ang mga salarin at inaalam ang motibo sa krimen. — Ulat ni Harris Julio

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.