ALAMIN: Proseso sa paghingi ng tulong sa Malasakit Centers

ABS-CBN News

Posted at Feb 17 2019 02:24 PM | Updated as of Feb 17 2019 02:45 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Sa pagpapatayo ng Malasakit Centers sa mga ospital, tila napadali na para sa mga pasyente ang paghingi ng tulong medikal at pinansiyal mula sa mga ahensiya ng gobyerno. 

Sa halip kasi na magpunta ang pasyente sa mga opisina sa iba-ibang lugar, sa iisang lugar na lang niya kailangang lumapit para sa ayuda.

Sa programang "Salamat Dok," ipinaliwanag ni Anthony Gerard Gonzales, assistant secretary sa Office of the Presidential Assistant for the Visayas, ang proseso sa paghingi ng tulong sa mga Malasakit Center.

Sa pagpunta sa Malasakit Center, kailangan lamang dalhin ang billing mula sa ospital at medical abstract, ani Gonzales.

Hindi na raw kailangang magdala ng certificate of indigency na kadalasan ipinepresenta para makakuha ng serbisyo ng mga charitable institution.

Sa Malasakit Center, mayroon daw ifi-fill out na form saka makakapanayam ang isang social worker na susuri sa pangangailangan.

"All you have to do is just go there, you'll fill up a form, interview-hin ka," sabi ni Gonzales.

Matapos makapanayam ang social worker, sunod na papupuntahin ang humihingi ng tulong sa PhilHealth.

"If di ka PhilHealth member, automatic magiging PhilHealth member ka," ani Gonzales.

Kapag kulang pa rin daw ang ayudang ibibigay ng PhilHealth, sunod na papupuntahin ang nangangailangan sa ibang ahensiya gaya ng Philippine Charity Sweepstakes Office, Department of Health at Malasakit Center na kukuha sa Presidential Social Fund (PSF).

Ayon kay Gonzales, hindi cash ang binibigay ng mga kinatawan ng mga ahensiya.

"It's just a document that give you the funding for your, 'yong kailangan mong babayaran," ani Gonzales.

"Automatic, i-deduct na nila.... pagbalik mo [from Malasakit Center] ipakita mo na lang iyon, na wala ka nang babayaran," dagdag ni Gonzales.

Hanggang P50,000 ang maaaring makuha mula sa PSF habang depende naman sa assessment ng mga kinatawan ng ibang ahensiya kung magkano ang matatanggap mula sa mga ahensiya.

May 23 Malasakit Center na matatagpuan sa iba-ibang panig ng bansa, ani Gonzales. Siyam rito ay sa Luzon, pito sa Visayas at pito sa Mindanao.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.