Babaeng nakipag-eyeball, biktima umano ng gang rape; 5 suspek huli

Isay Reyes, ABS-CBN News

Posted at Feb 17 2018 10:57 AM | Updated as of Feb 17 2018 09:07 PM

Kasama ang tatlong lalaki sa limang unang naaresto ng awtoridad na sangkot umano sa gang rape ng isang 19-anyos na babae sa Caloocan City. Dalawang iba pa ang patuloy na pinaghahanap ng awtoridad. Isay Reyes, ABS-CBN News

MAYNILA - Puno ng takot at natutulala pa rin ang isang 19-anyos na babae na na-gang rape umano Biyernes ng gabi sa Caloocan City.

Kuwento ni “Cindy”, di niya tunay na pangalan, nakipagkita siya sa Barangay Bagong Silang sa isang alyas “Yeye”, na ka-chat niya sa social media.

Pagdating sa tagpuan, dinala raw siya nito sa bahay ng mga kabarkada at nakipag-inuman. 

Nagtiwala agad si Cindy pero nilasing siya ng husto. 

“Suka na po ako ng suka pero naririnig ko na po sila parang marami silang nag-uusap. Pag labas ko po, nagkukumpol na sila tapos nagtatawanan,” kuwento ni Cindy. 

Dagdag pa niya, nawalan siya ng lakas pero naririnig at naaaninag ang lahat ng pangyayari pero di magawang lumaban.

Hinalay umano siya ng tatlong lalaki kahit na sumisigaw siya na tigilan ito. Ang iba’y nanood lang umano habang hinahalay siya.

Watch more in iWantv or TFC.tv

Nagkaroon siya ng lakas para tawagan ang ina at humingi ng tulong pero inipit na raw siya ng mga lalaki. 

Tumakas ang magbabarkada nang malamang papunta na ang ina ni Cindy. 

“Binura po niya mga laman ng cellphone ko tapos sinisigawan po nila ako. Akala ko nga po ni-lock na nila ako kasi nagsi-alisan na sila. Natakot na po ako na sasaktan nila ako,” sabi pa niya. 

Agad hinuli ng pulisya ang itinurong mga suspek ni Cindy. 

Lima na ang nahuli habang dalawa pa ang nagtatago, kabilang si alyas Yeye na siyang naka eye-ball ng biktima. 

Umamin si alias Andro na kainuman siya ni Cindy pero di raw umabot sa panghahalay. 

Ang mag-pinsan naman na sina alias Kokoy at Vince, pumunta lang umano sa bahay nang marinig ang sigaw na saklolo ni Cindy. 

“Kababaihan, mag-ingat sa pakikipag-eyeball lalo na kung di mo pa kilala masyado,” paalala naman ni Chief Insp. Raymond Nicolas.

Mahaharap sa kasong rape ang mga suspek.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.