Pinalikas nitong Pebrero 16, 2021 ang mga nakatira sa Taal Volcano Island o Pulo matapos magbabala ang mga awtoridad ng posibleng phreatic explosion nito. Dennis Datu, ABS-CBN News
Inilikas ng mga tauhan ng Philippine Coast Guard ang mga nakatira sa "Pulo" o Taal Volcano Island matapos magbabala ang Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) ng posibleng phreatic explosion kasunod ng pagtaas ng bilang ng mga naitatalang pagyanig sa isla.
Ang lokal na pamahalaan ng Talisay, Batangas ang nag-utos sa paglikas sa mga nakatira sa isla, karamihan ay mga nag-aalaga ng mga isda, bilang paghahanda sakaling magkaroon ng pagputok ang bulkan.
Kabilang sa mga inilikas si Nemia Galang at kaniyang mga anak, pero nagpaiwan ang asawa niya.
Kung may maayos lang daw silang malilipatan, hindi na raw sila maninirahan sa bulkan.
"Ang hirap sa evacuation, lalo na wala kami bahay na matutuluyan... gusto kasi namin kapag kami ay kinuha, mayroon na kami talaga matutuluyan para hindi na kami pabalik-balik," ani Galang.
Nasa 60 residente ang inilikas ng mga taga-Coast Guard at pulis.
Ipinaliwanag sa kanila ng mga awtoridad kung bakit kailangan lumikas.
Nauunawaan naman daw ito ng mga residente pero hiniling nilang payagan sila na magpakain ng mga isda.
"After magpatuka po, balik sila sa mainland kasi hindi naman po natin puwede pigilan 'yong hanapbuhay nila," ani Capt. Llewelyn Reyes, hepe ng Talisay police.
Isasama na rin sa paglikas ang mga alagang hayop gaya ng mga aso.
Ayon kay Phivolcs Director Renato Solidum, maraming pagyanig na naitala sa isla dahil sa hydrothermal activity o pagkulo ng tubig mismo sa bulkan.
Patunay umano ito ng pag-init ng tubig sa main crater lake at pagiging acidic nito.
"'Yan po ay nagpapahiwatig na mataas ang aktibidad ng Taal Volcano kaysa sa mga nakaraang linggo kaya dapat mag-ingat," ani Solidum.
Para matiyak na wala nang makakabalik sa isla, nagdagdag ang Coast Guard ng rubber boats na nagpapatrolya.
Ipinagbawal na rin muna ng lokal na pamahalaan ang ecotourism activity.
Sa ngayon, nananatili sa Alert Level 1 ang Bulkang Taal pero maaari itong itaas sa Alert Level 2 kapag may na-monitor na pagtaas ng magma.
-- Ulat ni Dennis Datu, ABS-CBN News
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
PatrolPH, Tagalog news, rehiyon, regions, regional news, Phivolcs, Philippine Coast Guard, Taal Volcano, volcanic activity, Taal Volcano Island, Volcano Island, Batangas, TV Patrol, Dennis Datu