13 anyos patay matapos makuryente sa ginamit na headset sa computer shop

ABS-CBN News

Posted at Feb 15 2021 04:44 PM

SARA, Iloilo – Patay ang isang 13-anyos na lalake matapos siyang makuryente sa ginamit na headset sa isang internet shop sa bayan na ito nitong Linggo.

Sa imbestigasyon ng Sara police, inabisuhan raw ng may-ari ng internet shop ang biktima na huwag gamitin ang headset dahil sira ito.

Patay ang isang 13-anyos na lalake matapos siyang makuryente sa ginamit na headset sa isang internet shop sa Sara, Iloilo. Kuha ng Sara PNP

Pero ginamit pa rin umano ng biktima ang headset at bigla na lang nangisay.

Tinangka pang tulungan ng mga nakakita ang biktima ngunit nakuryente rin ang mga ito kaya bumitaw sila.

Agad na dinala ang biktima sa ospital pero ideneklara itong dead-on-arrival ng doktor.

Handa namang tumulong ang may-ari ng internet shop sa pagpapalibing sa biktima.

Hindi pa malinaw kung bakit naroon pa rin ang naturang headset kahit alam ng may-ari na ito ay sira na. 

–Ulat ni Rolen Escaniel

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.