PatrolPH

Lalaki patay matapos barilin at saksakin ng manugang sa Antique

ABS-CBN News

Posted at Feb 13 2021 12:33 AM

SAN JOSE DE BUENAVISTA, Antique - Patay ang isang lalaki matapos barilin at saksakin ng kanyang manugang sa Barangay Badiang, San Jose de Buenavista, Antique, Biyernes ng umaga.

Nakilala ang biktima na si Leonardo Joseco, 55 taong gulang at ang suspek naman na kanyang manugang ay si Norman Iman, parehong nakatira sa nasabing lugar.

Ayon kay Police Lt. John Predict Padilla, Deputy Station Commander ng San Jose de Buenavista Police, galing ng trabaho ang suspek at lasing.

Pagdating niya sa kanilang bahay ay agad itong nagpaputok ng baril at nang makita ang biyenan na si Joseco ay binaril niya ito at sinaksak.

Tama sa dibdib at sa iba't ibang bahagi ng katawan ang natamo ng biktima dahil sa saksak at pagkabaril.

Agad na dinala sa ospital ang biktima pero ideneklara itong dead on arrival ng doktor.

Dagdag pa ng awtoridad may dating hidwaan na ang dalawa nang hindi pumayag si Joseco na dalhin ni Iman sa kanilang lugar sa Anini-y, Antique ang asawa nito na anak ng biktima.

Sinampahan na ng kasong murder ang suspek at nakapiit ngayon sa selda ng San Jose de Buenavista Police. - ulat ni Rolen Escaniel

RELATED VIDEO

Watch more News on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.