Lalaking 'sabog' sa droga pinagtataga ang tiya

ABS-CBN News

Posted at Feb 13 2018 12:34 PM | Updated as of Sep 12 2018 08:25 AM

BIÑAN, Laguna - Pinagtataga hanggang mapatay ng isang lalaki ang kaniyang tiyahin dahil sa kalanguan umano sa ilegal na droga sa bayang ito, Lunes.

Nagtatapon ng basura ang 54-anyos na biktimang si Marilou Lindo sa Barangay San Vicente nang bigla umano siyang sugurin ng pamangkin na si Aljohn Lindo, 27.

Agad nasawi ang ginang dahil sa taga sa noo, mukha at dibdib.

Nakalayo na umano ang suspek subalit binalikan pa si Marilou at muli itong tinaga sa paa bago tuluyang tumakas.

Makalipas ang ilang oras, naaresto ng mga pulis si Aljohn sa San Juan, Batangas, matapos siyang makita ng mga residente na pagala-gala at balisa.

Inamin naman ni Aljohn na nagawa niya ang krimen dahil nakagamit siya ng bawal na gamot, sabi ni Supt. Joemar Labiano, hepe ng San Juan police.

Napag-alamang nasa drug watchlist ng bayan si Aljohn kaya ito lumipat sa kaniyang tiya sa Biñan.

Ulat ni Ronilo Dagos, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.