Tinatayang P2-M ang halaga ng pinsalang idinulot ng apoy na tumupok sa 7 tindahan sa palengke ng Barangay Poblacion sa bayan ng Mawab, Compostela Valley, Pebrero 12, 2018 ng gabi. Claire Cornelio, ABS-CBN News
COMPOSTELA VALLEY - Nilamon ng apoy ang pitong tindahan sa palengke sa Barangay Poblacion sa bayan ng Mawab sa Compostela Valley, Lunes ng gabi.
Walang naisalba na gamit ang mga tindera dahil mabilis na kumalat ang apoy.
Ayon kay Epifania Crausos, sinubukan pa ng kanyang anak na apulahin ang apoy sa kisame ng katabi nilang karinderya ngunit di na nila makontrol ito.
Nasunog rin ang stock ng pagkain ng mga baboy at iba pang agrivet supply na pagmamay-ari ni Daniel Cuasito. Kabibili lang niya ng mga ito kahapon.
Sa imbestigasyon ng Bureau of Fire Protection ng Mawab, electrical short circuit ang sanhi ng sunog na nagmula sa karinderya ni Eddie Belangoy.
Tinatayang P2-milyon ang halaga ng danyos ng sunog.
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.