Ginang patay, 3 sugatan sa salpukan ng bus, SUV sa Agusan Del Sur

Charmane Awitan, ABS-CBN News

Posted at Feb 08 2020 03:27 PM | Updated as of Feb 08 2020 04:48 PM

Sa imbestigasyon ng Sibagat Municipal Police Station, papuntang Butuan City ang SUV nang mag-overtake ito at sumalpok sa kasalubong na bus. Photo Courtesy: Search and Rescue Agusan del Sur - Sibagat.

SIBAGAT, Agusan Del Sur — Patay ang isang ginang habang 3 ang nasugatan sa salpukan ng SUV at isang bus sa Barangay Tabon-Tabon nitong Sabado ng umaga.

Sa imbestigasyon ng Sibagat Municipal Police Station, papuntang Butuan City ang SUV nang mag-overtake ito at sumalpok sa kasalubong na bus.

"Nagta-travel itong SUV. Nag-overtake siya ngayon to another SUV or vehicle. Nakuha niya 'yung isang lane wherein doon 'yong lane ng [bus] doon sila ngayon nagkabanggaan”, ayon kay Police Maj. Charlie Kedyam ng Sibagat police.

Sa lakas ng pagkakabangga, nawasak ang harapang bahagi ng SUV at bus.

Patay ang ginang na driver ng SUV habang sugatan ang 2 batang sakay niya. Sugatan din ang kundoktor ng bus na nabalian ng paa.

Nasa kustodiya ngayon ng Sibagat police ang driver ng bus, na nanindigang sinubukan niyang iwasan ang SUV na sumakop sa kaniyang lane.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.