'Tambakan' ng basura sa pampang ng Manila Bay, nadiskubre sa Cavite | ABS-CBN

ADVERTISEMENT

dpo-dps-seal
Welcome, Kapamilya! We use cookies to improve your browsing experience. Continuing to use this site means you agree to our use of cookies. Tell me more!

'Tambakan' ng basura sa pampang ng Manila Bay, nadiskubre sa Cavite

'Tambakan' ng basura sa pampang ng Manila Bay, nadiskubre sa Cavite

ABS-CBN News

Clipboard

Umaabot daw sa 17 toneladang basura ng Cavite City ang naiipon sa umano'y transfer station araw-araw. Dennis Datu, ABS-CBN News

Natuklasan ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang isang tambakan ng basura sa pampang ng Manila Bay na pagmamay-ari umano ng lokal na pamahalaan ng Cavite City ngayong Biyernes.

Nadiskubre ito sa kasagsagan ng isinasagawang rehabilitasyon sa Manila Bay, na layong linisin ang katubigan mula sa dumi at basura. Sakop ng Barangay 48-A sa Cavite City ang naturang tambakan.

Ayon sa mga bantay-dagat at mangingisdang nakatoka sa lugar, matagal nang perwisyo sa kanilang kabuhayan ang mga basura roon. Dating dumpsite umano ang naturang lugar.

"Puro basura na ang ilalim niyan ngayon, galing sa pampang na 'yan. Wala nang isdang naninirahan diyan eh lumalayo dahil sa basura," ayon sa bantay-dagat na si Joel Berdin.

ADVERTISEMENT

Watch more in iWantv or TFC.tv

Wala rin daw bakod ang tabing-dagat, na nagreresulta sa pag-anod ng mga basura sa lugar patungo sa Manila Bay tuwing may bagyo o habagat.

Depensa ng City Environment and Natural Resouces Office (CENRO) ng Cavite City, nagsilbing transfer station - o pansamantalang tambakan ng basura - ang lugar at hindi na raw ito dumpsite. Isinasailalim na raw ito sa rehabilitasyon magmula pa noong 2017.

Umaabot daw sa 17 toneladang basura ng Cavite City ang naiipon sa umano'y transfer station araw-araw.

Pero iginiit ng DENR Environment Management Bureau (EMB) na hindi maituturing na transfer station ang lugar dahil sa dami ng basura dito. Wala rin daw itong bubong na pangproteksyon.

"Sa nakita namin malaki ang posibilidad na ginagawa itong open dumpsite,” ani Environment Undersecretary Benny Antiporda.

Ayon pa kay Antiporda, sampal ito sa kanilang isinasagawang rehabilitasyon ng baybayin.

"Ang duda nga po natin ito rin ang isang malaking pinanggagalingan nitong solid waste na nakikita natin sa Manila Bay,” aniya.

Pinagpapaliwanag na rin ng DENR ang LGU ng Cavite City.

Kapag walang ginawang hakbang ang mayor, maaaring kasuhan ng DENR ang alkalde ng lugar sa paglabag sa Republic Act 9003 o "Solid Waste Management Act."

--Ulat ni Dennis Datu, ABS-CBN News

ADVERTISEMENT

ADVERTISEMENT

It looks like you’re using an ad blocker

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.