PatrolPH

3 arestado matapos maaktuhang namumulutan ng karne ng aso

ABS-CBN News

Posted at Feb 05 2023 09:13 AM

Karne ng aso na ginawang pulutan ng tatlong residente sa Angeles City, Pampanga. Angeles City LGU
Karne ng aso na ginawang pulutan ng tatlong residente sa Angeles City, Pampanga. Angeles City LGU

ANGELES CITY — Huli sa aktong namumulutan ng karne ng aso ang tatlong magkakaibigan sa Barangay Lourdes Sur, Angeles City, Pampanga.

Pinangunahan ng City Veterinary Office - Dog Pound Division ang operation na nag-ugat sa isang tip na natanggap ng office of the Vice Mayor mula isang concerned citizen nitong Sabado.

“Agad pong nag-dispatch ang tanggapan ni Mayor Pogi Lazatin ng mga empleyado natin mula sa City Veterinary Office hoping na maabutan pang ma-rescue ‘yung aso o ‘yung mga aso,” ayon kay IC Alaguas, chief adviser ng alcalde.

“At that time hindi pa po natin alam kung ilan… Mukhang magkakaroon ng kaunting kasiyahan, ipupulutan ‘yung aso,” paliwanag niya.

Sa ilalim ng Animal Welfare Act of the Philippines at Anti-Rabies Act, ipinagbabawal ang pagkuha, pangangalakal, pagkakatay, pagluluto, at pagkain ng karne ng aso.

Ayon sa Animal Kingdom Foundation, hindi ligtas ang pagkain ng karne ng aso. Puwede itong ikamatay o kaya naman ay maging sanhi ng ‘zoonosis’ o ang sakit na mula sa mga hayop na naipapasa sa mga tao.

Iniimbestigahan na kung may mga residente pang tumatangkilik sa karne ng aso maging ang mismong pinanggagalingan nito.

“Ang balita namin, mukhang tradisyon ito ng grupo na ito,” ani Calaguas. “Considering ‘yung estado natin as highly urbanized city at ‘yung ating kampanya laban sa pagsalit ng hayop o ‘yung ating kampanya sa animal welfare, nagulat kami bakit may natitira pang mangilan-ngilan na ganito sa Angeles City.”

Inihanda na ang mga kasong isasampa laban sa tatlong nahuli na kumatay at nagluto ng karne aso para sa pulutan. — Ulat ni Gracie Rutao

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.