PatrolPH

Gobyerno nakikipag-ugnayan para malaman kung halal ang COVID-19 vaccines

ABS-CBN News

Posted at Jan 28 2021 05:20 PM | Updated as of Jan 28 2021 07:50 PM

Watch more on iWantTFC

Nakikipag-ugnayan na umano ang pamahalaan sa mga manufacturer ng COVID-19 vaccine para malaman kung halal o pinahihintulutan sa Islam ang mga bakuna laban sa sakit.

Ayon sa Department of Health, nakikipag-coordinate ang Food and Drug Administration (FDA) sa mga vaccine manufacturer na nag-apply ng emergency use authorization (EUA) sa Pilipinas para sa usapin ng halal certification.

Sa ngayon, tanging Sinovac mula China pa lang ang bakunang sertipikadong halal. Ito rin ang bakunang inaprubahan ng Islamic body sa Indonesia.

"Nanghingi po kami ng information dito sa atin pong mga applicants," sabi ni FDA director-general Eric Domingo.

"'Yong Pfizer, ang sabi nila, they're still working on halal certification. Ito pong AstraZeneca, mayroon po silang certification na walang animal source na ginamit sa kanilang bakuna but I believe they are still working on halal certification."

Nauna nang nabanggit ng mga opisyal mula sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) na dapat tiyakin munang katanggap-tanggap sa kanilang relihiyon ang COVID-19 vaccine bago nila kumbinsihin ang mga residente na magpabakuna.

"Lahat po ng ating mga bakuna po na binibigay po natin dito sa mga constituents natin sa BARMM, dumadaan po 'yan ng fatwa, iyan po 'yong Islamic ruling na dapat it is halal," ani Bangsamoro Health Minister Amir Usman.

Ayon pa kay Usman, pagbabasehan din nila ang desisyon ng mga cleric sa Indonesia sa Sinovac, bukod pa sa sarili nilang fatwa bago tuluyang ipagamit sa mga Muslim kung maaaprubahan man ng FDA.

Nangako rin si Usman ng aktibong pakikilahok ng mga religious leader para maging matagumpay ang COVID-19 vaccination program sa bansa. -- Ulat ni Michael Delizo, ABS-CBN News

RELATED VIDEO:

Watch more on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.