PatrolPH

1 patay, 2 arestado sa magkahiwalay na drug ops sa Lucena City

ABS-CBN News

Posted at Jan 27 2021 12:36 PM

1 patay, 2 arestado sa magkahiwalay na drug ops sa Lucena City 1
Patay ang isang drug suspect sa buy-bust na nauwi sa engkwentro sa Lucena City, Quezon. Photo courtesy: Lucena City Police

MAYNILA - Isa ang patay habang 2 ang naaresto sa magkakahiwalay na anti-drug operations ng pulisya sa Lucena City. 

Sa Barangay Isabang, namatay ang isang 37 anyos na drug suspect. 

Ayon sa Lucena Police, bumili ang nagpanggap na parokyano ng P500 halaga ng shabu sa suspek na target ng operasyon. 

Pero nang aarestuhin ang suspek, nagpaputok umano ito nang dalawang beses kaya gumanti raw ng putok ang mga pulis. 

Narekober umano ang baril ng suspek at 10 sachet ng hinihinalang shabu. 

Samantala, dalawang lalaki naman ang naaresto sa magkahiwalay na drug-bust sa Barangay Ibabang Iyam.

Unang naaresto sa Purok Maligaya ang 22 anyos na trolley driver na si "Anton" na nakuhanan umano ng 4 sachet ng hinihinalang shabu. 

Nahuli naman sa follow-up operation sa Don Feliciano Street ang 20 anyos na magsasakang si "Ikong." Nakuha umano rito ang 6 pirasong sachet ng droga. 

Mahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 ang mga nahuling suspek.

-- Ulat ni Anjo Bagaoisan, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.