Bisikletang kaya mangolekta ng basura, ibinida ng graduating students sa QC | ABS-CBN

ADVERTISEMENT

Bisikletang kaya mangolekta ng basura, ibinida ng graduating students sa QC

Bisikletang kaya mangolekta ng basura, ibinida ng graduating students sa QC

ABS-CBN News

Clipboard

Bumida ang imbensyong bisekleta na nakakakolekta ng basura ng apat na graduating students sa Quezon City. Courtesy: Louise Altez

Bumida ang imbensyong bisekleta na nakakakolekta ng basura ng apat na graduating students sa Quezon City. Courtesy: Louise Altez


Bumida ang imbensyong bisekleta na nakakakolekta ng basura ng apat na 5th year Bachelor of Science in Mechanical Engineering(BSME) graduating students sa Quezon City.

Thesis project nina Louise Altez, Dennis Sagurit, Cj Amurao, at Jasper Gumayagay na mula sa Technological Institute of the Philippines (TIP) sa Quezon City ang imbensiyon na tinatawag na "Pedal Operated Road Sweeper."

Kwento ni Bayan Patroller Louise Altez, napansin nila na patok ang mga bisekleta sa kasagsagan ng pandemya kaya naman naisip nilang iugnay ang kanilang magiging proyekto dito.

Dagdag pa niya, naging inspirasyon nila ang mga road sweeper na nakikita nila sa kanilang mga barangay tuwing umaga upang mabuo ang kanilang imbensyon.

ADVERTISEMENT

“Ito po ay nagsimula this pandemic habang nagtatake kami ng thesis subject namin, napansin kasi namin ang biglaang pagpatok ng mga bisekleta kaya naisip namin na kung gagawa man kami ng project eh may koneksyon sa bisekleta," ani Altez.

"At the same time napansin din namin na every 6 am nakikita namin ang Road sweepers sa kanya kanya naming mga baranggay na sobrang aga palang eh nagwawalis na, karamihan sa mga sweeper ay mga matatanda na, naglilinis ng nahulog na dahon at basura. Kaya hangga't sa maaari gusto namin matulungan sila at medyo mapagaan ang nga trabaho nila, lalo na sa mga polluted areas around Manila.”

Naghanap sila ng mga ideya na may hawig sa naiisip nilang disenyo sa social media sites gaya ng Youtube.

Sinimulan nila ang sketches noong 2020 at dahil sa kagustuhan nilang maisabuhay ang kanilang imbensyon ay nagpasya silang magkita-kita noong Christmas break nitong nakaraang taon upang magawa ang prototype.

“Nagsimula sa mga initial sketches ng design, hanggang ginawa sa animation, kasama na rin ang pag-solve ng mga dimension, measurements at stresses bawat materyales na natutunan namin sa pag aaral ng aming kurso na Mechanical Engineering at hanggang nabuo namin ang nasabing prototype," ani Altez.

Gamit ang recycled materials ng iba’t ibang parte ng bisikleta ay nagawa nila ang bicycle frame sa tulong at gabay na rin ng kanilang Faculty Adviser na si Engr. Ricardo Bote at ama ng isa nilang ka-grupo.

“Gumamit po kami nang mga recycled materials para sa bicycle frame. Gusto po kasi namin ipakita na possible din itong gawin nang iba gamit ang mga bicycle parts na hindi na nila nagagamit," ani Altez.

Nais nilang mas maging epektibo pa ang pangongolekta ng basura ng kanilang imbensyon pero sa ngayon masaya ang grupo dahil sa tagumpay na nakamit nila dahil makakapagtapos na sila sa kanilang pag-aaral.

“Gusto po namin maging efficient at effective pa yung pagkuha ng mga basura pero sa ngayon po masaya lang kami dahil pumasa kami at ga-graduate na rin po," ani Altez.

ADVERTISEMENT

ADVERTISEMENT

ABS-CBN is the leading media and entertainment company in the Philippines, offering quality content across TV, radio, digital, and film. Committed to public service and promoting Filipino values, ABS-CBN continues to inspire and connect audiences worldwide.