Batang bibili sa tindahan, natagpuang patay, hinihinalang ginahasa

Joanna Tacason, ABS-CBN News

Posted at Jan 21 2019 09:14 PM

LAOAC, Pangasinan - Patay na nang natagpuan ang isang 10 taong gulang na babae sa maisan sa Barangay Panaga sa bayang ito Linggo ng umaga.

Ayon sa pamilya ng biktima, Sabado nang magpaalam ito na bibili sa tindahan pero hindi na ito nakauwi.

Kuwento ng kapatid ng biktima, huling nakitang kasama ng kaniyang kapatid ang lalaking kapitbahay.

Ayon sa pulisya, duguan ang mukha ng biktima nang matagpuan. Nakababa rin ang shorts at underwear nito.

Sa pagsusuri ng medico-legal, nakita rin na may marka ng sakal sa leeg ang biktima.

Nasa kustodiya na ng Laoac police ang 40 taong gulang na lalaking kapitbahay ng biktima na haharap sa kasong rape with homicide.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.