Bakit tutol ang mga aktibista sa pagpasok ng pulis, militar sa UP campus? | ABS-CBN

ADVERTISEMENT

dpo-dps-seal
Welcome, Kapamilya! We use cookies to improve your browsing experience. Continuing to use this site means you agree to our use of cookies. Tell me more!

Bakit tutol ang mga aktibista sa pagpasok ng pulis, militar sa UP campus?

Bakit tutol ang mga aktibista sa pagpasok ng pulis, militar sa UP campus?

ABS-CBN News

 | 

Updated Jan 20, 2021 08:20 PM PHT

Clipboard

Watch more in iWantv or TFC.tv

MAYNILA – Bakit nga ba matindi ang pagtutol ng mga aktibista at dating student leaders ng University of the Philippines (UP) sa pagkansela sa tinatawag na UP-Department of National Defense (DND) accord?

Sa isang rally noong Disyembre 2, 2009 sa UP Diliman, pinipigilan ng mga raliyista na magtayo ng barikada ang mga pulis para sana sa pagbisita ng noo’y Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo.

Sa ilalim ng UP-DND accord, bawal ang presensiya ng mga pulis o militar sa loob ng UP campus kung walang pahintulot ng pamunuan ng pamantasan.

Ang pagtatalo, nauwi sa tulakan. Ilang raliyista ang inaresto pero pinakawalan din.

ADVERTISEMENT

Isa sa mga kasali sa kilos-protesta ang noo’y Faculty Regent na si Judy Taguiwalo, na kalauna’y nagsilbing Social Welfare secretary.

"Maraming tinamaan na mga estudyante at maraming pinaghuhuli. Anong isyu namin noon? Protesta kay Gloria Macapagal-Arroyo... kaugnay ng Ampatuan massacre... Ayaw nila kaming pa-rally-hin," kuwento ni Taguiwalo.

Isa si Taguiwalo sa mga naalarma sa pagsantabi ni Defense Secretary Delfin Lorenzana sa UP-DND accord dahil maaaring maging mas marahas pa umano ang kahihinatnan ng mga rally kapag pumasok ang mga pulis.

Student leader si Taguiwalo sa UP noong 1970s at naabutan niya ang pagpasok ng mga pulis bago pa man mag-Diliman Commune noong 1971 at magdeklara ng martial law si Marcos noong 1972.

"Pumasok ang mga pulis.... Hindi lang pinasok ang campus. Pinasok ang mga dorms. Nasa Sampaguita ako noon, pinasok kami. Na-teargas kami doon," sabi niya.

ADVERTISEMENT

Kaya naganap ang tinatawag na Diliman Commune kung saan hinarangan ng mga estudyante ang University Avenue para hindi makapasok ang mga pulis at militar.

"Lahat kami may mga barricades. Talagang hindi kami natutulog, nandu'n kami sa campus. Nagkaroon kami ng mga kuwan para mapigilan ang muling pagpasok. And to a certain extent, napigilan," ani Taguiwalo.

Nagpatuloy ang marahas na dispersal ng mga rally ng estudyante hanggang dekada 80, hanggang sa panahon ng dating College Editors’ Guild of the Philippines president JV Bautista, na ngayon ay dekano ng law school sa Wesleyan University Philippines sa Cabanatuan.

"Ang ginagamit mostly dito 'yung water canon, dini-disperse by means of high-pressure water jets from fire engines o kaya may dye 'yung water canons tapos pinagdadampot estudyante after dispersal," ani Bautista.

Isa si Bautista sa mga nanguna para makipagpulong kay dating Defense Minister Juan Ponce Enrile para mabuo ang Soto-Enrile accord na pinagbabawalan ang presensiya ng mga militar at pulis sa mga campuses sa buong bansa.

ADVERTISEMENT

Nabuo ito noong 1982, bago pa man ang UP-DND accord noong 1989.

Nagtataka si Bautista kung bakit sa kabila ng pandemya, ang pagtugis sa mga umano'y komunista ang prayoridad ng gobyerno.

Kapwa nagdududa pa rin sina Bautista at Taguiwalo sa tunay na layunin ng kanselasyon ng kasunduan.

Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, hindi nakonsulta si Pangulong Rodrigo Duterte sa desisyon ng DND, pero gayunpaman, suportado niya ito.

Iginiit din ni Roque na walang mali sa ginawang unilateral abrogation ng DND.

–Mula sa ulat ni Mike Navallo, ABS-CBN News

ADVERTISEMENT

ADVERTISEMENT

It looks like you’re using an ad blocker

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.