4 na mangingisda, nailigtas matapos ang 18 araw sa dagat

Jay Dayupay, ABS-CBN News

Posted at Jan 19 2017 11:39 PM

GENERAL SANTOS CITY — Nailigtas ang 4 na mangingisda mula Sarangani matapos magpalutang-lutang sa dagat sa loob ng 18 araw.

Isinugod sa Doctor Jorge P. Royeca Hospital sina Tirzo dela Cruz, 44 taong gulang; Robert Gordo, 18; Alfonso Vilbar, 53; at Lyle Lao, 38, operator ng FB Maria Luz, ang bangkang sinakyan nila nang pumalaot sila mula Malapatan, Sarangani noong Disyembre 23, 2016.

Nagtamo ng mga sugat sa iba't-ibang bahagi ng kanilang katawan at paso sa kanilang mga balat ang 4 na mangingisda.

Ayon kay Lao, madaling araw noong Disyembre 28 nang binangga sila ng isang cargo ship sa karagatan ng Mati sa Davao Oriental.

Aniya, nawasak ang kanilang fishing boat. Hindi nila napansin ang cargo ship dahil natutulog daw siya kasama ang anim na kasamahan niya.

Inutusan niya ang isang mangingisda para tumawag ng rescue pero nasiraan din ito.

Tubig-ulan daw ang inumin nila at tiniis ang matinding gutom. Matapos ang 12 araw, dalawa sa mga kasamahan nila ang binawian ng buhay, kabilang ang kanyang 18 taong gulang na anak.

Masakit man sa kanya bilang isang ama, kinailangan niyang bitawan ang bangkay ng kanyang anak sa laot.

Ayon naman kay Gordo, ang pinakabatang nakaligtas, napilitan siyang mangisda dahil sa hirap ng buhay.

Nagpapasalamat si Reynaldo Caparro, ang may-ari ng fishing boat, na nakaligtas ang kanyang mga mangingisda.

Dagdag pa niya, nakahanda siyang tumulong sa mga tauhan niya.

Sa ngayon, nakabalik na ang mga mangingisda at kapiling na ang kanilang nga mahal sa buhay.