Hinuli ng mga pulis ang mga taong naligo sa isang ilog sa Barangay Calinan, Davao City noong Enero 17, 2021. Calinan Police Station
Hinuli ng mga awtoridad nitong Linggo ang mga naligo sa ilog sa Barangay Calinan, Davao City.
Ayon kay Maj. Jake Goles, hepe ng Calinan Police Station, lumabag sa health protocol ang mga naligo sa ilog dahil walang social distancing.
Wala ring suot na face mask ang ilang nasa cottage at marami ring menor de edad na nahuli.
Ikinasa ang operasyon sa ilog matapos makatanggap ng ulat ang mga pulis na maraming naliligo doon tuwing weekend at may ilan ding lumalabag sa liquor ban ng lungsod.
Kakasuhan umano ang mga nahuli dahil sa paglabag sa health protocols.
Ipinagbabawal pa rin sa ngayon sa Davao City ang unnecessary o leisure travel dahil sa coronavirus.
Nauna nang sinabi ng isang health official ng Davao City na nakararanas ang lungsod ng "surge" o pagtaas ng bilang ng mga kaso ng COVID-19 kasunod ng holidays.
Sa pinakahuling tala ng Department of Health-Davao Region, umabot na sa 10,228 ang kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa Davao City, kung saan 1,477 ang active cases.
-- Ulat ni Hernel Tocmo
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
PatrolPH, Tagalog news, rehiyon, regional news, regions, Davao, ilog, quarantine protocol violation, Covid-19 pandemic, Covid-19, Teleradyo, Headline Pilipinas