Taal residents bagsak-presyo nang ibinebenta ang mga alagang kabayo

ABS-CBN News

Posted at Jan 16 2020 08:07 PM

Watch more in iWantTFC


MAYNILA —Napilitan na ang ilang residente sa isla ng Taal Volcano na ibenta sa murang halaga ang mga alaga nilang kabayo para lang mailikas at mailayo sa kamatayan ang mga hayop.

Ang isang naibenta, P3,500 na lamang o tila kapresyo lang ng isang bagong sapatos. 

"Ayoko nga sir eh, ngayong nakita ko parang ayoko na ibenta eh. [Pero] at least aalagaan, hindi kakatayin, ani Neil Mendoza, nagbenta ng kabayo.

Sakay ng mga bangka, sinundo ang mga alagang hayop mula sa isla. 

Ang animal rescue operation ay inorganisa ng People for the Ethical Treatment of Animals (PETA).

Kabilang sa mga naisalba ang mga alagang aso, kambing, baboy, baka, kalabaw, at kabayo.

Ayon sa PETA, pinakamalaki ang populasyon ng kabayo dahil 'yun ang ginagamit sa paghahatid sa mga turista na namamasyal sa bukana ng Bulkang Taal.

"Pagdating namin dun mas maraming buhay kesa patay. 'Yun ang nakakapagtaka kasi di ba may lumabas sa balita na patay na lahat, wala nang buhay diyan. We were expecting the worst, pero pagdating namin dun kahapon, sobrang dami pang buhay," ani Janna Sevilla, PETA senior rescue coordinator. 

Ayon sa PETA, karamihan sa mga alagang hayop na nailikas mula sa isla ay dadalhin sa farm sa Tagaytay at doon muna aalagaan.

BUWIS BUHAY

Watch more in iWantTFC


Samantala, ilang residente naman ng Balete, Batangas ang buwis-buhay sa pagbalik sa kanilang mga tahanan maisalba lang ang mga naiwang alaga. 

Hindi biro para kay Robert Oroso ang buhatin at isakay sa bangka ang 2 sa 5 alaga niyang baka para itawid sa mas ligtas na lugar. 

Napapailing na lang siya habang hinuhugasan ang nanigas na abo sa mga hayop at lumitaw ang mga lapnos sa balat. 

"Kaya pilit namin sinasalba ang mga hayop gaya niyan, 3 ang aking eskuwelang napasok. Para makapatuloy ng pag-aaral. Sadya hong mahirap." 

May panawagan din siya sa pamahalaan.

"Hinihigpitan kami na tumawid. Eh kami naman ho ay naawa sa aming alagang hayop ano hong gagawin gusto namin maisalba," ani Oroso. 
    
—Ulat nina Raphael Bosano, at Jorge Cariño, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.