Timbog Biyernes ng hatinggabi ang 4 na pulis na umano'y protektor sa isang shabu laboratory sa loob ng Subic Bay Freeport Zone sa Olongapo City.
Iniutos ni Philippine National Police (PNP) chief Police Gen. Debold Sinas na pakasuhan ang 4 na pulis na ngayo'y nasa restrictive custody ng Police Regional Office Central Luzon.
Naaresto rin ng mga operatiba ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang target sa buy-bust operation na si alyas Rico.
Narekober sa shabu laboratory ang nasa 300 gramo ng umano'y shabu.
Ayon sa mga awtoridad, miyembro umano ng isang sindikato ang suspek na sangkot sa pagmementena ng drug laboratory na nakakagawa ng nasa 3 hanggang 4 na kilo ng shabu kada araw. Binabagsak umano ang droga sa Central Luzon at Metro Manila.
Kinabibilangan umano ng ilang dayuhan ang sindikato na may financier, resources at contact persons bilang protektor.
Ayon kay Subic Bay Metropolitan Authority (SBMA) chairman and administrator Wilma Eisma, suportado nito ang PNP sa pagsugpo sa mga lumalabag sa batas.
Hinimok din niya ang publiko na kilalanin ang mga nasa paligid para masiguro ang kaligtasan ng lahat ng nasa Freeport Zone. - May ulat nina Doland Castro, ABS-CBN News at Gracie Rutao
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
Tagalog news, Regional news, 4 pulis protektor clandestine shabu laboratory, pulis protektor Olongapo City, pulis protektor Subic Bay Freeport Zone, crime, drugs, clandestine shabu laboratory, Olongapo City, Subic Bay Freeport Zone,TV Patrol