PatrolPH

Putol na bahagi ng katawan ng tarsier natagpuan sa Davao City

Andoreena Acasio Causon, ABS-CBN News

Posted at Jan 15 2020 06:58 PM | Updated as of Jan 15 2020 10:18 PM

BABALA: Ang artikulong ito ay naglalaman ng sensitibong detalye.

DAVAO CITY - Tanging ulo, kamay at paa na lamang ng isang tarsier ang natagpuan ng isang residente malapit sa kaniyang bahay sa Sitio Coog 1, Barangay Mandug dito sa siyudad.

Linggo ng umaga nang madiskubre ni Edmon Remonde ang pira-pirasong katawan ng tarsier- itinuturing na threatened species- na tinangay umano ng kanilang alagang pusa.

Ayon kay Remonde, nakita niya ito malapit sa puno ng marang sa likod ng kanilang bahay habang naghahanap sa inahing manok. Naaagnas na ang ulo nito. 

Kinumpirma naman ng biologist ng Department of Environment and Natural Resources (DENR-XI) na may mga tarsier nga sa lugar.

Plano ng ahensiya na magsagawa ng information education campaign sa mga residente tungkol sa wildlife preservation para maipreserba ang mga tarsier, ang itinuturing na pinakamaliit na uri ng unggoy sa mundo. 

Maliban sa Mandug, may tarsier sightings din sa Marilog District at Barangay Waan sa Davao City.

Ang hayop ay isang tourist attraction sa probinsiya ng Bohol. 
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.