4 arestado sa pagnanakaw sa isang kainan sa Batangas

Fay Virrey, ABS-CBN News

Posted at Jan 10 2018 10:23 PM

Narekober mula sa mga suspek ang nasa P1,000 pera na pinaniniwalaang nanakaw mula sa cash register ng kainan. Kuha ng Malvar Police

Arestado ang apat na lalaki, kabilang ang dalawang menor de edad, matapos magnakaw umano sa isang kainan sa Barangay Santiago, Malvar, Batangas nitong Martes.

Ayon sa pulisya, napansin nilang kahina-hinala ang kilos ng mga tao sa loob ng isang kainan sa lugar nitong madaling araw ng Martes.

"Napansin po nila na disi-oras po ng gabi, sarado na po yung tindahan, napansin nila na may mga tao po sa loob. Kaya naging curious po ang tropa tinigilan nilapitan. Nakita po nila na may kinukuhang pera po,” ani PO3 Roswell Sadicon, imbestigador sa Malvar Police.

Kinilala ang dalawang suspek bilang sina Jayson Arsolon at Eugene Alfanta, habang nasa kustodiya na ng DSWD Malvar ang dalawang menor de edad.

Pero ayon sa mga suspek, hindi nila nilooban ang kainan. Nangangalakal lamang umano sila sa lugar nang biglang damputin ng pulisya.

“Napagbintangan lang po. Nangangalakal po kami nun. Bigla pong hinuli kami,” ani Alfanta.

Narekober mula sa mga suspek ang nasa P1,000 pera na pinaniniwalaang nanakaw mula sa cash register ng kainan.

Muli namang nagpaalala ang pulisya sa mga nagmamay-ari ng mga establisyimento na maging maingat para makaiwas sa kaparehong insidente.

“Sa may mga establishment siguro po magdoble sila ng security ng padlock. 'Yung bintana, lagyan ng screen para di sila kaagad mapasok. At maglagay po sila ng mga CCTV,” ani Sadicon.

Wala pang pahayag ang may-ari ng kainang pinagnakawan umano.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.