Police Regional Office-Calabarzon
BATANGAS—Nasagip ng mga residente ang isang lalaking Chinese sa Barangay Balatbat, Lobo, Batangas noong Sabado ng tanghali.
Natagpuan ang 21 anyos na biktima na may piring sa mata at tali sa kamay. Nagtatrabaho ito bilang dance instructor at nakatira sa Pasay City.
Ayon kay Police Lt. Col. Chitadel Gaoiran, tagapagsalita ng Police Regional Office-Calabarzon, nabanggit ng biktima sa Lobo police na may 3 lalaking Chinese ang dumukot umano sa kaniya noong Sabado ng madaling-araw.
"Biglang may dumating na Innova na brown. Based sa report, bigla siyang kinuha ng 3 Chinese rin," aniya.
Kinikikilan umano ng mga salarin ang biktima ng P150,000 pero dahil walang maibigay ay ibinaba siya ng mga ito sa lungsod.
Itinurn-over na ng Batangas Police Provincial Office sa Anti-Kidnapping Group (AKG) ng Philippine National Police (PNP) ang kaso.
Patuloy ang pangangalap ng pulisya ng closed-circuit television (CCTV) footage sa mga posibleng dinaanan ng SUV na pinagsakyan sa biktima para matukoy ang mga salarin na maaaring makasuhan ng kidnapping.—Ulat ni Andrew Bernardo, ABS-CBN News
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
Regional news, Tagalog news, crime, Chinese, kidnapping, abduction, extortion, Lobo, Batangas