Flight attendant, natagpuang patay sa isang hotel sa Makati City

Jeffrey Hernaez, ABS-CBN News

Posted at Jan 03 2021 10:45 PM

MANILA - Patay na ng matagpuan ang isang flight attendant matapos umanong magdiwang ng bagong taon kasama ang mga kaibigan sa isang hotel sa Makati City.

Kinilala ang biktima na si Christine Angelica Dacera, 23 taong gulang.

Sa paunang imbestigasyon ng Makati Police, natagpuang walang malay ang biktima ng kaibigan nitong si Rommel Galida sa bath tub ng kuwarto.

Nang hindi magising, agad nila itong ipinagbigay alam sa management ng hotel.

Agad dinala ang biktima sa clinic kung saan isinailalim ito sa cardio respiratory resuscitation o CPR ng security manager ng hotel na si Peter Paul Poningcos, ngunit hindi pa rin ito nagising at wala ng pulso.

Sinubukan ng hotel na humingi ng tulong sa rescue team ng Barangay Poblacion ngunit walang dumating kaya sila na ang nagdala sa biktima sa ospital. Idineklara rin itong dead on arrival sa ospital.

Isasailalim sa otopsiya ang bangkay ng biktima upang malaman ang sanhi ng pagkamatay nito.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.