Lasenggong mister, sugatan nang masaksak ng galit na misis

RJ Rosalado, ABS-CBN News

Posted at Jan 03 2019 09:49 AM

Dalawang malalim na sugat sa braso ang natamo ng biktima nang masaksak ng kutsilyo ng asawa. RJ Rosalado, ABS-CBN News

ZAMBOANGA CITY – Sugatan ang isang habal-habal driver matapos na saksakin ng kutsilyo sa braso ng kaniyang misis sa Barangay Tumaga, Miyerkules ng gabi.

Ayon sa pulisya, nagalit ang misis sa kaniyang mister dahil sa labis nitong paglalasing kasama ang mga kaibigan.

Pinapauwi na ng misis ang asawa pero hindi ito nakinig at nagpatuloy pa rin sa paglalasing.

Inatake ng misis ang mister gamit ang kutsilyo nang makauwi ito sa bahay. Nagtamo ng 2 malalim na sugat sa braso ang lalaki at agad dinala sa pagamutan.

Inimbitahan naman ng pulisya at mga barangay tanod ang babae sa estasyon ng pulisya para maimbestigahan.

Matapos ang ilang oras, humabol ang mister sa pulisya para makiusap na huwag nang ikulong ang misis. Inamin din ng lalaki ang kaniyang pagkakamali at humingi rin ito ng dispensa sa asawa.

Kasalanan niya raw kung bakit nagawa ng misis ang pananakit. Hindi na siya nagsampa ng kaso, kaya’t pinalaya na din ng pulisya ang babae.

Nangako naman ang mister na susubukan niyang umiwas na sa paglalasing kasama ang mga kaibigan.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.