'Batuta lang': 'Bato' ipinapaaresto ang mga armadong tanod

ABS-CBN News

Posted at Jan 02 2018 11:59 AM

Ipinagutos ni Philippine National Police chief Ronald Dela Rosa sa mga pulis na arestuhin ang lahat ng barangay tanod na may dalang baril.

"Hulihin niyo lahat ng tanod diyan na armado. Magalit na 'yung mga mayor diyan na mga bossing diyan ng mga tanod na yan, wala akong pakialam," ani Dela Rosa sa isang press conference, Martes.

Ayon sa PNP chief, hindi huhulihin ang mga tanod na makakapagpakita na mayroon silang lisensya upang magmay-ari at magdala ng baril sa labas ng kanilang bahay.

"Kung wala then that is illegal. Ang puwede sa kanila batuta lang," dagdag niya.

Dalawang sibilyan ang namatay noong nakaraang linggo matapos paulanan ng bala ng mga tanod at pulis sa Mandaluyong sa pag-aakalang mga suspek ito sa isang krimen.

Ayon sa ilang saksi, naunang magpaputok ang mga tanod at sumunod lamang ang mga rumispondeng pulis.

Aminado si Dela Rosa na may kakulangan sa training ang ilang pulis.

"Ang PNP hindi kami perpekto. Meron kaming mga kapalpakan at inaamin naman namin. 'Yung nangyare sa Mandaluyong kapalpakan talaga yun," ani Dela Rosa.

"Magdasal kami na mabalik nasamin yung training talaga para matutukan namin when to shoot and when not to shoot, when to believe and when not to believe ang mga report na dumadating."

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.