TIPS: Paano dapat kausapin, alagaan ang mga bata sa evacuation centers | ABS-CBN

ADVERTISEMENT

dpo-dps-seal
Welcome, Kapamilya! We use cookies to improve your browsing experience. Continuing to use this site means you agree to our use of cookies. Tell me more!

TIPS: Paano dapat kausapin, alagaan ang mga bata sa evacuation centers

TIPS: Paano dapat kausapin, alagaan ang mga bata sa evacuation centers

Clipboard

Guinobatan Community College sa Albay na ginawang evacuation center noong Hunyo 14, 2023 dahil sa pag-aalburuto ng bulkang Mayon. Jonathan Cellona, ABS-CBN News/FileGuinobatan Community College sa Albay na ginawang evacuation center noong Hunyo 14, 2023 dahil sa pag-aalburuto ng bulkang Mayon. Jonathan Cellona, ABS-CBN News/File

MAYNILA — Hindi na bago sa mga Pilipino ang hagupit ng mga bagyo at iba pang natural na kalamidad. 

Ayon sa PAGASA weather bureau, 13 hanggang 18 bagyo ang maaaring tumama sa Pilipinas ngayong taon, na pawang mas mababa kumpara sa mga nakarang taon na pumapalo pa sa 19 to 20.

Kaakibat ng mga ganitong sama ng panahon at pagbaha ay ang paglikas ng mga pamilyang mula sa mga binabahang lugar. Karamihan sa mga pamilyang ito ay may may bitbit na mga bata. 

Bukod sa pisikal na kalusugan, malaki ang maaaring maging epekto ng mga sakuna sa paglaki ng bata, lalo't matindi ang stress at trauma na nararanasan sa ganitong sitwasyon.

ADVERTISEMENT

Noong 2016, nagpasa ng batas ang Pilipinas para masigurong mapoprotektahan ang karapatan ng mga bata tuwing may sakuna at iba pang emergency na makakaapekto sa kaniyang kaligtasan at paglaki.

Bukod sa gobyerno, malaki rin ang papel ng mga magulang o guardian upang masiguro na kahit papaano ay mabawasan ang bigat na mararamdaman ng bata sa ganitong sitwasyon.

Narito ang ilang tips ng pediatrician na si Dra. Cynthia Cuayo-Juico sa tamang pakikitungo at pag-aalaga sa mga bata kapag nasa isang evacuation center: 


KUMALMA

Ayon kay Juico, dapat iwasan ng mga matatanda ang pagpa-panic dahil nararamdaman din ito ng mga bata, kahit pa sanggol.

"So relax lang tayo dapat, kalmante lang dapat yung nanay kasi kung hindi talagang mahirap makasundo yung baby, may sumpong nang konti," aniya. 

Paalala niya, tumatatak kahit sa mga bata ang mga pinagdadaanan nila at posible nitong maapektuhan ang kanilang ugali paglaki. 

"Medyo umarte tayo nang konti na... okay lang tayo. Kasi kung hindi mahihirapan tayo talaga and psychologically mahirap tanggalin [ang trauma]... Kasi natatandaan nila yun eh, subconsciously natatandaan nila yung galit, natatandaan nila yung nangyayari sa kanila," ayon kay Juico. 

"Whatever they see or feel around them, yun ang nananatili sa kanilang persona," dagdag niya.

Pero dagdag Juico, darating din ang punto na hindi na kayang tiisin ng magulang ang sitwasyon at kailangan na niyang ilabas ang sama ng loob. 

"Parang aminin mo na kailangan mo ring magkaroon ng outlet para maintindihan din ng mga anak, ng mga asawa, na hindi naman tayo pwedeng magtitiis lang all the time, we need an outlet dahil kung hindi maloloka tayo," aniya. 


MAGPALIWANAG

Mahalaga rin na ipaliwanag ng mga magulang sa bata kung bakit sila napadpad sa naturang sitwasyon at ipaalala na hindi ito permanente. 

"Mas ipaintindi mo, i-explain mo sa kanila bakit umuulan, bakit tayo nahihirapan sa pag-ulan na ganito, ano ang problema natin, at meron tayong solusyon. Yun ang dapat kasi kung may problema ka, may katapat dapat na solusyon," ani Juico.

"[Tell them] may mga pangyayari sa buhay natin tulad ng bagyo, baha na hindi natin pwede kontrolin," dagdag ng doktora. 


SUBUKANG GAWING POSITIBO

Para kay Juico, oportunidad ang sitwasyon na ito para bigyan ng aral ang mga bata na magagamit nila paglaki.

"You make use of the situation para maging positive ang attitude nung bata... You make the situation work for you dahil pagkakataon na para mag-usap kayo, para turuan mo sila ng mga bagay na dapat nilang malaman," sabi niya.

"Kuwentuhan mo sila, hindi mo sasabihin na 'kawawa naman tayo bakit tayo nagkaganito.' Natatandaan yan eh," dagdag ni Juico.

Suhestyon ni Juico, dapat ay bigyan ng gobyerno ang mga magulang ng  sapat na kaalaman kung paano alagaan ang mga bata tuwing magkakaroon ng sakuna.

"Dapat sa evacuation centers o mga communities, kailangan turuan sila ano dapat sabihin sa mga bata, ano magiging reaksyon mo sa bata pag nag-eevacuate tayo, anong dapat mong dalhin, kailangan dalin mo yung pinaka favorite nyang laruan kahit isa," sabi ng doktora. 


KAUGNAY NA VIDEO



ADVERTISEMENT

ADVERTISEMENT

It looks like you’re using an ad blocker

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.