PatrolPH

Lolo, lola na viral sa TikTok nagpakitang gilas sa 'ASAP Natin 'To'

ABS-CBN News

Posted at Nov 28 2021 03:44 PM

Watch more on iWantTFC

MAYNILA — Nagpakitang gilas ang viral na lolong tricycle driver at lolang barangay health worker sa “ASAP Natin ‘To” ngayong Linggo. 

Kwento ni Dennis Hong, 57, mula sa San Pedro, Laguna, nakatutulong para sa kaniyang kalusugan at nababanat ang kaniyang katawan sa pagsayaw sa Tiktok.

“Sumasayaw na talaga ako noong kabataan ko pa. Malaki ang naitutulong sa akin ng pagti-Tiktok. Parang exercise ko na rin at gumagaan ang aking pakiramdam sa tuwing ako’y nakapagsasayaw,” aniya.

Masaya naman ang kaniyang apo na si Alexa San Jose dahil maraming napapaligaya ang kaniyang lolo na umani na ng 26 million views sa kaniyang video.

“Sobrang proud na proud po ako sa kaniya kasi ‘di lang ho kaming kapamilya niya ang napapasaya niya, kundi marami pa pong iba,” ani Alexa. 

Kahit senior citizen na, masaya ring nagagawa pa ni barangay health worker Doren Relacion ang kanyang passion - ang pagsasayaw. 

“Elementary pa lang po, ako mahilig na po akong sumayaw. Naisip ko pong gumawa ng dance video sa Tiktok noong makita ko ‘yung anak ko na sumasayaw. At hindi ko naman inaasahan na marami akong taong napapasaya,” aniya.

Ikinatuwa rin ito ng kaniyang anak na si Hazel Relacion Angcaya.

Umani na ng 11 million views ang TikTok video ni Lola Doren.

“Natutuwa ako na kahit senior citizen na siya, nagagawa niya ‘yung hilig niya, ‘yung pagsasayaw,” sabi ni Hazel.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.