PatrolPH

Milk tea nakatataba, maaaring magdulot ng diyabetes: doktor

ABS-CBN News

Posted at Sep 01 2019 03:09 PM

Watch more on iWantTFC

Nagbabala ang isang doktor ukol sa labis na pag-inom ng milk tea na maaari umanong magdulot ng pagtaba o sakit na diyabetes.

Sa programang "Salamat Dok," ipinaliwanag ni Dr. Nemencio Nicodemus, endocrinologist mula sa Philippine General Hospital, na bagaman may mabuting dulot sa katawan ang gatas at tsaang nasa milk tea, lamang pa rin ang dami ng asukal na nakukuha sa bawat serving.

"Ang pag-inom ng milk tea, added calories 'yan, hindi kailangan ng katawan natin. Kaya kung iinom ka niyan, dagdag-calories 'yan sa katawan mo," ani Nicodemus.

"Mayroon namang nutritional value ang gatas pero kasi ang nilalagay naman natin dito sa ating milk tea, hindi lang gatas, mayroon pang iba. Mas marami iyong ibang nilalagay, lalo na 'yong asukal," aniya.

Karaniwang nasa 5 at kalahating kutsaritang asukal ang nailalagay sa isang serving ng milk tea, ayon kay Nicodemus.

Bukod doon, 3 kutsaritang asukal naman umano ang nakukuha sa gatas na inilalagay sa milk tea at iba pa ang dami ng asukal na nakukuha sa mga "sinker" tulad ng pearl, sago, at nata de coco.

Ayon kay Nicodemus, kadalasan ay umaabot sa 11 hanggang 20 kutsarita ng asukal o 400 calories ang nakokonsumo sa isang large-sized serving ng milk tea.

"Kapag nasobrahan tayo ng calories... siyempre, lalo tayong mas tataba at mas mataas ang tsansang magka-diabetes," anang doktor.

Nasa 6 kutsaritang asukal lang ang dapat makonsumo ng tao sa isang araw, base sa rekomendasyon ng World Health Organization.

Ipinayo ni Nicodemus ang pag-inom ng milk tea ng isang beses kada linggo kung hindi talaga maiwasan.

"'Yong milk tea, kung talagang hindi maiiwasan, hangga't maaari, limitahan lang natin ng siguro once a week lang para hindi tayo madagdagan ng sobrang calories sa katawan natin," aniya.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.