Taytay tiangge: Shopping spree na swak sa budget

ABS-CBN News

Posted at Aug 04 2018 08:04 AM

MAYNILA – Patok ngayon sa marami, lalo na sa mga nagtitipid, ang tiangge sa Taytay na tinaguriang "garments capital of the Philippines" dahil sa mura at de-kalidad na mga damit na ibinebenta.

Ayon sa fashion vlogger na si Ayn Bernos, sa tiangge sa Taytay ay pwede nang mag-shopping spree kahit pa kaunti lang ang budget.

"Best time ay Monday night or Thursday night kasi bagsakan ng bago," sagot ni Bernos sa kung kailan magandang tumungo sa Taytay tiangge.

Sa programang "Good Vibes" sa DZMM, sinabi ni Bernos na sulit sa bulsa ang mga mabibili sa Taytay tiangge. 

Kung ang halagang P2,000 ay isang pantalon o dalawang damit lang ang mabibili sa mga mall, sa Taytay tiangge ay puwede itong umabot ng 15 hanggang 20 pirasong mga kasuotan.

Sa kaniyang karanasan, nakapag-uwi si Bernos ng isang floral crop top sa halagang P35, blouse na P60, shorts na nasa P30, lace romper na P170, at ruffled gingham skirts sa halagang P100.

"'Yung mga pang-top lahat under P60 kaya bibili ako ng iba-ibang kulay," sabi ni Bernos.
 
Maganda pa aniya sa Taytay tiangge ay ang pagiging updated nito sa fashion trends.

"'Yung ang gusto ko sa Taytay, halimbawa every three months o 6 months babalik ako, lahat ng makikita mo sa Instagram meron sila," sabi niya.

Dagdag pa niya, kahit na mura ay may discount pa kapag maramihan o bulto ang bibilhing damit.

Ang naturang lugar ay dinarayo rin ng mga nagtitinda mula sa Greenhills, Divisoria, at Baclaran, at maging sa ibang panig pa ng bansa. 

Nakakaabot din sa ibang bansa ang garments mula sa Taytay sa tulong na rin ng online selling.

"One of the reasons why we are the garments capital is because of the creative minds of the people who create fashionable designs, and plus factor 'yung availability ng resources, for example, 'yung tela," pahayag naman ni Roderick Santos, officer-in-charge ng Taytay Tourism Office.

Kaya payo ni Bernos, magdala ng sariling ecobag dahil tiyak na mahihirapan ang kamay ng mamimili sa dami ng kaniyang bibilhin.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.