BURGOS, Ilocos Norte — Halos 1 buwan nang bukas ang tindahan sa loob ng Burgos Central Elementary School kung saan maaaring ipalit ng mga estudyante ang kanilang naipong mga plastik sa sari-saring school supplies at grocery items.
Ayon sa paaralan, binansagan nila ang programa na "Basura Exchange School Tiangge" o BEST.
Kaya ang mga estudyante, imbes na mga gamit at baon lang ang dala sa paaralan, may bitbit na ring mga plastik na bote, wrappers, at pakete.
Ang Grade 6 student na si John Bryan Saludares, ipinalit ang dalang mga plastik sa mantika at toyo para umano sa kaniyang lola.
Bukod sa mga platik, puwede ring ipagpalit ang mga sirang gulong.
Gagawing eco-bricks ang mga naipong basura ng Burgos Central Elementary School.
Ang eco-brick ay yari sa ginunting na mga plastic wrapper o pakete na isiniksik sa plastic na bote.
Ang kanilang proyekto ay alinsunod sa solid waste management program ng Barangay Poblacion ng Burgos, katuwang ang lokal na pamahalaan at isang wind power corporation.
"Ito ang nakita namin [na solusyon] so we could control ang pagdami ng basura kung saan-saan sa kalye at eskuwelahan," ani Joejie Jimenez, chairman ng Barangay Poblacion. —Ulat ni Grace Alba, ABS-CBN News
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
PatrolPh, Tagalog news, balita, kalikasan, kapaligiran, Burgos, Ilocos Norte, recycling, Basura Exchange School Tiangge, solid waste management